HATAWAN
ni Ed de Leon
IKINUKUWENTO ng isa naming kaibigan na iyon daw bahay ni Paolo Ballesteros sa Antipolo ay napakaliwanag kung gabi dahil sa inilagay niyang Christmas décor na napakaraming ilaw sa paligid ng kanyang bahay, hanggang sa bubong.
“Marami ngang namamasyal kung gabi para makita lamang ang bahay niya. Kung makikita mo kasi iyon, talagang napakasaya, makakalimutan mo kahit na sandali ang hirap ng buhay sa panahong ito ng pandemya. Ang feeling parang iyong COD sa Cubao noong araw, na basta nakita mo ang feeling mo Pasko na talaga kahit na mahirap ang buhay,” sabi pa ng isang kakilala namin.
Nakatutuwa naman ang ginawang iyan ni Paolo, dahil nakapagbibigay siya ng kasiyahan sa maraming tao kahit na tumatanaw lamang sa kanyang bahay. After all kung ano man iyang problema natin, kung gaano man kahirap ang buhay ngayon, hindi naman natin maiiwasang ipagdiwang ang Pasko. Hindi naman kasi iyon pagdiriwang para lamang sa ating sarili, kundi isang pagdiriwang na ginagawa natin para sa
Diyos.