Sunday , October 13 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Kultaban sa Bulacan, black sand ng Bagac

PROMDI
ni Fernan Angeles

KUNG mayroong isang sakit na mas mabagsik kaysa virus na gawa ng bansang Tsina, ito ang pagkagahaman sa pera kesehodang bayan ay nagdurusa.

Sa gitna ng pandemya, tila piyesta ang mga ganid na negosyante at kompanya sa tulong ng kani-kanilang kakontsaba. Ang lintek na anomalya sa likod ng Pharmally at Starpay, nagbunga pa ng supling sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan.

Ang supling – isang kooperatiba!

Sa harap ni Atty. Yvette Contacto ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC), inatasan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Magic 7 Cooperative na agad ibalik ang perang kinultab sa mga benepisaryo ng kanilang programang paayuda – ang Livelihood Assistance Grant (LAG).

Ang nakamamangha pa rito, kung pahirapan ang proseso ng imbestigasyong isinasagawa ng Kongreso sa mga sangkot na kompanyang Pharmally at Starpay, sa Magic 7 walang aberya kasi naman, aminado!

Petsang 15 Setyembre 2021 nang magbuo ang PACC ng Task Force LAG para busisiin ang paratang ng mga benepisaryong residente ng Pandi. Anila, ang P15K na ayuda nauwi lang sa P5K. Wow, bongga ang sipa! Kung medyo may tikas ang benepisaryo, ang P15K na laang ayuda, P10K sa nakalista.

Mabilis ang naging pag-usad ng imbestigasyon, gayondin ang solusyon. ‘Yan ang maganda kung ang lahat ng sangkot, humaharap sa proseso. Tama ang PACC sa mabilis na resolusyon. Ang usaping ganito, ‘di dapat maging isyung pang-eleksiyon.

Sa kalatas ng DSWD, kailangang isauli ng Magic 7 ang tinatayang P6.9 milyong ibinawas sa 1,000 benepisaryo. At take note – tao-tao ang pagsasauli. Direkta at ‘di na dapat padaanin sa kamay ng iba.

Pero teka, hindi pa riyan dapat matapos ang proseso. Kasi naman ang Magic 7 ‘di naman pala kalipikadong lumahok sa anumang transaksiyon sa gobyerno.

Ayon mismo sa Cooperative Development Authority (CDA), totoong nakapagsumite na ng aplikasyon ang Magic 7 para sa rehistro at akreditasyon. Subalit paglilinaw ng nasabing tanggapan, wala pang aksiyon sa nasabing aplikasyon. Sa madaling salita, ‘di pa aprobado.

Nangangahulugang hindi pa rin ito lehitimo. Kung ganoon, ‘di pa rin pala puwedeng makipagtransaksiyon ang Magic 7 sa gobyerno, lalo pa’t hindi biro ang halaga ng salaping ipinagkatiwala sa kanila.

Ang tanong – kailan nila ibibigay ang pera sa mga kinultab na mamamayan?

***

Habang abala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagpapaganda ng Manila Bay kung saan mamamasdan ang nakamamanghang paglubog ng araw sa tuwing sasapit ang dapit-hapon, abala naman sa pagwasak ng kalikasan ang ilang local government officials sa bayan ng Bagac sa lalawigan ng Bataan.

Dangan naman kasi, kabi-kabila ang black sand quarry operations sa mga anyong tubig sa nasabing bayan, partikular sa Barangay Pag-asa. Ang siste, local permits lang ang hawak ng quarry operators na jackpot sa mina, kasi naman may kakamping kumikita.

Ayon sa mga eksperto, ‘di nakabubuti ang pagkakalkal ng higit pa sa banlik at basurang nasa sahig ng sapa, ilog, lawa, laot o kahit pa karagatan. Anila, nagbubunga ng masamang epektong tinatawag na ecological imbalance kung saan apektado ang ibang organismong nabubuhay sa daluyan.

Ang masaklap, ‘di lang “living organisms” sa mga ilog at sapa ng Barangay Pag-asa ang apektado. Pati ang mga mamamayan ng nasabing barangay, napeprehuwisyo.

Ang higit na nakababahala ay ang tugon ng gobyerno nang idaing nila ang dulot na prehuwisyo. Pasaring sa mga taga-Barangay Pag-asa – lumipat na lang kung sila’y napeprehuwisyo! Sa wari ko, pino­protektahan ng kung sinong kumag diyan sa munisipyo ang interes ng kanyang kasosyo sa negosyo.

Susmaryosep! Hindi iskwater ang dumudulog ng reklamo. Sila’y pawang lehitimong residente ng dalawang baryong pinag-isa – ang Barrio Wawa at Barrio Sibacan. Sila yaong nagbabayad ng buwis kung saan nagmumula ang bonggang suweldo ng mga opisyal at empleyado sa munisipyo. Sila rin yaong botanteng hinihingan ng boto.

‘Di masama ang pagmimina kung ilalagay sa tama. Pero sa kaso ng Bagac, tila wala na ito sa mapang saklaw ng DENR. May sarili itong polisiya sa hangaring magtamasa sa operasyong ng pagmimina – sukdulang mawasak ang kalikasan, ang mga kabahayan, ang kabuhayan at maging ang mga mamamayan.

Bakit nga naman hindi palalayasin ang mga nagrereklamong residente ng Barangay Pag-asa kung sa mining operation naman sila tumitiba?

About Fernan Angeles

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Unang hamon sa integridad ni Torre

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. WALA pang isang linggo mula nang tanggapin niya ang …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Naggagandahang obra ng PDLs, bida sa BIDA ng BJMP

AKSYON AGADni Almar Danguilan BIDANG-BIDA ang mga naggagandahang obra ng mga persons deprived of liberty …

Dragon Lady Amor Virata

Mga police security ng kandidato alis muna

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata PAG-UUSAPAN na sa Commission on Elections (Comelec) ang araw …

Sipat Mat Vicencio

Lapid, Abby tagilid na kandidato ni Bongbong

SIPATni Mat Vicencio HINDI kakayaning makapasok sa ‘Magic 12’ ang lahat ng kandidato ni Pangulong …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Mapayapang eleksyon, target ni PRO3 RD PBG Maranan

AKSYON AGADni Almar Danguilan UMUPO na bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 3 …