PINABULAANAN ng pamahalaang lokal ng Quezon City nitong Lunes ang mga pahayag ni Anakalusugan Partylist Congressman Michael Defensor na may balak itaas ang amilyar o real property tax ang pamunuan ng local government unit (LGU) sa susunod na taon.
“Nagsisinungaling si Defensor. Ang ordinansa niyang tinutukoy ay walang kinalaman sa pagtataas ng amilyar o real property tax, bagkus ay layon nitong pataasin ang halaga ng mga lupa o ari-arian sa lungsod,” ang paliwanag ng abogado ng siyudad na si Atty. Orlando Casimiro.
Tinukoy ni Casimiro ang Ordinance No. SP-2556 na iginigiit ni Defensor. Ito raw ay ipinasa noong 2016 nang si Mayor Joy Belmonte ay Vice Mayor pa lamang at tagapangasiwa at pinuno ng Konseho.
Aniya, naipasa ang ordinansa alinsunod sa inaatas ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991 na nagsasaad na lahat ng LGU ay dapat magsagawa ng pagtataya sa halaga ng mga ari-arian sa lungsod kada ikatlong taon.
Nakakuha pa nga ang mga kumikuwestiyon sa ordinansa ng temporary restraining order (TRO) nang magpetisyon sa Korte Suprema noong 2017, ngunit ibinasura din ang petisyon ng Mataas na Hukuman noong 2018.
Dagdag ni Atty. Casimiro, ganoon pa man, hindi rin ipinatupad ni Mayor Belmonte ang nasabing ordinansa dahil sa ipinangako niya ito sa kanyang kampanya noong 2019. Layon lamang ng ordinansa, aniya, na pataasin ang halaga ng mga lupa sa lungsod na magiging kapaki-pakinabang pa sa mga may-ari nito.
Pangalawa, ayon kay Casimiro, ang ordinansa ay sinuspende ng Konseho na ngayon ay pinamumunuan ni Vice Mayor Gian Sotto upang hindi muna maipatupad, dahil sa panahon ng pandemya.
Nagpahayag din si Sotto, sa katunayan dalawang ordinansa (SP-2986 at SP-2996) ang kanilang naipasa para lamang suspendehin ang SP-2556 para sa taon 2021 at 2022.
“Tayo po ay patuloy na nananawagan sa ating mga kasamahan sa Lungsod (lalo’t sila ay naturingang mga halal ng taongbayan) na maging maingat sa kanilang inilalabas na pahayag sa publiko,” pakiusap ni Sotto patungkol kay Defensor.
Sinusugan ito nila Majority Floor Leader Franz Pumaren at konsehal Jun Ferrer na siyang may akda ng mga ordinansang nagsususpende sa lokal na batas sa pagtataas ng mga amilyar.
“Fake news po ang pahayag. Mananatiling naka-suspende ang pagtataas ng real property tax hangga’t nakaupong punong-lungsod si Mayor Joy Belmonte,” pagtitiyak ng dalawang opisyal.
Samanatala, iniulat ni City Treasurer Ed Villanueva, patuloy nilang nakokolekta ang mataas na pagbabayad ng mga buwis kaya’t ‘di na kailangan magtaas pa ng panibagong real property tax.
Umano sa P22 bilyon aniya ang koleksiyon ng Quezon City noong 2020 mataas ng ‘di hamak sa P19.33 bilyong koleksiyon noong 2019 at hindi pa kasama sa mga halagang iyan ang nakukuha nilang pondo galing sa iba pang klase ng buwis gaya ng Internal Revenue Allotment (IRA) na nanggagaling naman sa pamahalaang nasyonal.