MANANATILING bawal sa mga mall at dine-in restaurants sa Metro Manila ang mga kabataang may edad 17-anyos pababa.
Bahagi ito sa mga napagkasunduang patakaran ng Metro Manila mayors na ihahayag anomang araw bilang paglilinaw sa ipinatutupad na Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) na nagpapahintulot sa mga batang lumabas ng bahay mula 16-31 Oktubre, ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora kahapon.
Batay sa IATF resolution, pinapayagan ang mga kabataang may edad 17-anyos pababa na lumabas ng bahay kung bibili ng pagkain, gamot, bibisita sa doktor, mag-ehersisyo at magbibiyahe interzonal at intrazonal.
“Para mas maging malinaw, maglalabas ng pormal na resolution ang MMC (Metro Manila Council) very soon because last time, nagkaroon na nga ho ng kasunduan,” sabi ni Zamora sa DZMM TeleRadyo.
“So, saan puwede ang ating mga kabataan? Puwede sila sa outdoor areas, puwede mag-exercise. Kung sakaling kailangang bumili ng pagkain o gamot, puwede,” aniya.
“Pero hindi puwedeng mag-dine-in sila because that will already require them to remove their mask and eat among a group of people in a restaurant. So tumataas bigla ang risk rito. Hindi namin muna pinayagan at iyan ay napagkasunduan ng Metro Manila Council,” giit niya.
Magdaraos ng press briefing ngayon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos hinggil sa resolution ng mga alkalde sa Metro Manila dahil pinahihintulutan sa IATF resolution ang mga lokal na pamahalaan sa “interzonal and intrazonal travel of children.”
Matatandaan, mula nang ideklara ang CoVid-19 pandemic noong Marso 2020 ay ipinagbawal ng gobyerno ang paglabas ng bahay ng mga bata sa pangamba na sila’y maging “superspreaders.”
(ROSE NOVENARIO)