PROMDI
ni Fernan Angeles
MAY dalawang pamilya – isa mula sa timog at isa mula sa hilaga – ang agaw-eksena nitong mga nakaraang araw.
Paandar ng pamilya Duterte ang pag-atras ng matandang Rodrigo sa kanyang kandidatura para sa posisyon ng bise-presidente, isang pasyang ayon mismo sa kanya’y pagkilala sa tinig ng masang nagluklok sa kanya noong 2016.
Sa pagbasura sa planong kandidatura bilang bise-presidente, biglang diga ng Rodrigo – anak niyang si Sara ang tatakbong Pangulo.
Kung ating babalikan, mula Disyembre ng nakaraang taon pa putok ang napipintong hangad na maging Pangulo ni Sara. Naglalakihang tarpaulin, na sinabayan pa ng pag-ikot ng grupong umano’y nagsusulong sa kanyang kandidatura, na tila ba kinokondisyon ang utak ng masa.
Subalit iba ang diskarte ng Pangulo. Ayon kay Rodrigo, hindi dapat tumakbo si Sara, dangan daw kasi ay babae at ang posisyon ng Pangulo, sadyang sakit ng ulo.
Ilang buwan ang lumipas, nag-iba ang kanyang tono. Diga ngayon ng Pangulo, tatakbo si Sara katambal ang dakilang alalay na si Bong Go.
Ganyan din ang kanyang estilo noong 2016 nang tumakbo siyang Pangulo. Isang taktikang napatunayang epektibo sa tulad niyang probinsiyanong politiko. Sa madaling salita, ang masa ay nauto.
Sa gawing norte naman, salpukan ng mga Singson ang matutunghayan.
Ang diskarte ni Ilocos Gov. Ryan Luis Singson, tumakbong bise-gobernador yaman din lang siya’y nasa huli na niyang termino. Ang siste, tinapatan siya ng amang si Chavit Singson na alkalde ngayon ng Narvacan, sa nasabing lalawigan.
Sa sagupaan ng mga Singson, hindi pa nagtatapos sa salpukan ng mag-ama. Isasabong naman ni Chavit ang isa pang anak na si Ronald Singson laban naman kay Rep. Deogracias Victor Savellano na nagkataon namang biyenan ng anak na gobernador (Ryan).
Itinapat din ni Chavit ang kanyang kapatid ni si Jerry Singson laban sa kabiyak ni Ryan na si Patch.
Sa Vigan naman kung saan nagmula ang mga Singson, magbabanggaan sina Partylist Rep. Bonito Singson (nakababatang kapatid ni Singson) laban naman sa pamangking Eva-Singson Medina na minsan nang nanilbihang alkalde ng nasabing lungsod.
Bukod sa mga Duterte at Singson, marami pang paandar ang pami-pamilyang dinastiya sa iba’t ibang panig ng Filipinas. Kanya-kanyang maniobra sa layuning mapanatili ang poder at impluwensiyang karaniwang susi ng mabilis na pag-asenso kundi man paglago ng kung ano ang mayroon na sila.
* * *
Para sa puna, sumbong o reklamo, maaaring makipag-ugnayan sa email address: fernanjoseangeles@gmail.com