Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Bulilyaso ng QC-RTC nabisto, land scam ‘di pinalusot ng SC

PROMDI
ni Fernan Angeles

SA PAMBIHIRANG pagkakataon, napatunayang daig ng katotohanan ang mga bulaan. Katunayan, mismong ang Korte Suprema ang nagtuwid sa mga pagkakamali ng mga husgadong nasa ilalim nito kaugnay ng isang sigalot sa pitong ektaryang lupain sa bahagi ng Quezon City.

Partikular na itinuwid ng Korte Suprema ang desisyong ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) at ang pagkatig ng Court of Appeals (CA) sa isang kasong kinasasangkutan ng pitong ektaryang prime property sa kahabaan ng E. Rodriguez Avenue (katabi lang ng St. Luke’s Medical Center).

Wari ko, makatuwirang bigyang pagkilala ang mga mahistradong sukdulang nagbabala sa mga tiwaling husgadong may hawak ng mga kasong may kinalaman sa yaman, lalo pa’t hindi na bago sa pandinig ko ang kuwento ng mga tinatawag na “Hoodlums in Robes.”

Sa tala ng Korte Suprema, taong 2015 nang literal na agawan ng lupa ang Titan Dragon Properties ng isang Marlina Veloso-Galenzoga sa asuntong isinampa ng huli sa Quezon City RTC gamit ang mga palsipikadong dokumento.

Sa pag-usad ng pagdinig, umupo ang mga kinatawan ng Land Registration Authority (LRA) na may mandato sa mga lupa at titulo. Sila mismo ang nagpatunay na may depekto ang iprenesintang mga dokumento ni Veloso-Galenzoga.

Gayonpaman, malayo sa inaasahan ang naging hatol ni Judge Edgardo Bellosillo — iginawad pa rin sa may hawak ng pekeng titulo ang pagmamay-ari ng pitong-ektaryang prime property sa QC.

Gayondin ang hatol ni Judge Alexander Balut na dali-daling naglabas ng desisyon sa mismong araw na tinanggal siya sa puwesto, na tila hinapit sa anopamang dahilan – puwedeng pera o pressure mula kung kanino man. Hindi man lang umabot sa puntong ihatag sa husgado ang mga ebidensiyang karaniwang hanap ng isang patas na Hukom.

Sa pagkadesmaya sa hatol ng QC-RTC, minabuti ng TDP na iapela ang kaso sa CA sa pag-asang makikita at papanigan ang nasa tama. Kaya lang, mali sila ng akala. Dangan naman kasi, kinatigan lang nito ang pasya ng RTC.

Ano nga kamo? Paano nakalusot sa mapanuring mata ng QC-RTC at CA ang mga huwad na titulong iprenesinta ng mga umangkin?

Dito na pumasok ang Korte Suprema!

Ang sabi ng Korte Suprema, mali si Bellosillo. Katunayan, inilarawan pa ang pasya ni Bellosillo na “whimsically expanded.” Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, lumagpas sa limitasyon ang kanyang pagpapasya nang kanselahin nito ang derivative titles ng TDC na nakasaad mismo sa default judgment ng Hukom.

Sinilip din ng Korte Suprema ang atas ng mga naunang Hukom na isyuhan ng panibagong titulo ng lupa si Veloso-Galenzoga kahit may sertipikasyon ang LRA na nagdeklara at nagdiing tunay ang titulong hawak ng TDC at hindi ang iprenesinta ni Veloso-Galenzoga.

Maging ang kalatas ni LRA Administrator Renato Bermejo, tila kinastigo. Dangan kasi, inutusan niya si Quezon City Deputy Register of Deeds Myra Roby Puruganan na sundin at ipatupad ang desisyon ni Bellosillo kahit alam nilang peke ang hawak na titulo ni Veloso-Garlezoga.

Ani Associate Justice Rodil Zalameda — “It is so contumacious and scandalous that it behooves the (Supreme Court) why the appellate court turned a blind eye on this issue.”

Malinaw ang pahiwatig ng Korte Suprema – hindi nila pahihintulutan ang pailalim na sabwatan sa mga asuntong inihahain sa mga husgado. Mali ang mga husgadong unang humawak at lumitis sa asuntong ito. Lumabis sa angkop at nararapat ang naging asal ng mga huwes.

Sa pagtutuwid ng Korte Suprema, mistulang babala ang pahiwatig nito sa mga tiwaling huwes at sa mga gumagamit sa husgado para makapagsamantala.

Kung tutuusin, maraming sasabit sa pagtutuwid ng Korte Suprema. Sila kaya’y mapapanagot pa? Malamang hindi na.

Nakalulungkot isiping marami ang mga mala-sindikatong galawan sa pagitan ng mga huwes at manloloko. Hindi lang sa Quezon City nangyayari ‘yan kundi sa buong kapuluan, at tanging ang may mahabang pisi sa labanan sa husgado ang puwedeng maka­rating sa Korte Suprema na naging parehas ang paglilitis.

Para sa mga re­klamo, su­hes­ti­yon, puna o sum­bong, maaa­ring lumiham sa email address: fernan­jo­se­[email protected].

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *