PROMDI
ni Fernan Angeles
TUBONG-LUGAW ang angkop na paglalarawan sa pagsasamantala sa gitna ng pagdurusa ng mga taong nag-ambag at tumulong sa kampanya ng Pangulo.
Bukod sa kontrobersiyal na bulilyaso kaugnay ng mga maanomalyang kontrata sa pagbili ng mga dispalinghadong facemasks, hanggang sa pagtatambak sa Manila Bay, pasok ang Davao Group na sinasabing nanama sa pag-upo ni Rodrigo Duterte sa Palasyo.
Katunayan, sa libo-libong proposals na tinanggap ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na pinamumunuan ni Atty. Janilo Rubiato – isa ring taga-Davao, tanging mga kompanyang kontrolado ng kontrobersiyal na si Dennis Uy, Charlie Gonzales, at ng mga pekeng Filipino na itinalaga sa puwesto ang inaprobahan ng nasabing tanggapan.
Sa Pasay area pa lang, tatlong naglalakihang reclamation projects ang nasungkit ng mga namuhunan ng pera at pagod sa kampanya ni Duterte noong 2016. Nasungkit ng Udenna Development Corporation ni Uy, Ulticon Builders ni Gonzales at ng China Harbour Engineering Company Limited ang Notice to Proceed para Phase 1 o katumbas na 265-ektaryang reclamation project sa Manila Bay.
Tulad ni Rubiato, kapwa taga-Davao din sina Uy at Gonzales.
Ang lahat ng ito’y inaprobahan ng gobyerno pagkatapos ng kontrobersiyal na biyahe ng Pangulo sa bansang Tsina noong 2017, kasama ang mga negosyanteng Tsino at mga alipores na sina Uy, dating presidential economic adviser Michael Yang, at Senador Bong Go.
Balatan natin ang mga kapitalistang ito. Gaano nga ba sila kalapit sa Palasyo?
Base sa datos na laman ng mga dokumentong isinumite sa Commission on Elections (Comelec), si Dennis Uy ay isa sa mga pinakamalaki ang ambag sa presidential campaign ng noo’y mayor pa lang ng Davao City… nanalo si Duterte.
Nang maupo si Duterte sa Palasyo, namayagpag si Uy gamit ang impluwensiyang sukli ng Pangulo sa suportang nakuha noong ito’y kandidato. Paniwala ng marami, ito din ang dahilan kaya nagawa nitong makapangutang sa iba’t ibang banko ng tumataginting na P16 bilyon gamit ang government guarantee bilang kolateral.
Sa ilalim ng government guarantee, ang gobyerno (gamit ang perang nalikom mula sa buwis) ang ipambabayad sa pinagkakautangan sa sandaling hindi magbayad si Uy.
Sa panunungkulan din ni Duterte nagawa ni Uy na makopo ang 90% controlling stake ng Malampaya power plant sa karagatang sakop ng Palawan. Pinamumunuan din ni Uy ang Dito Telecommunity na pinaboran ng gobyernong noo’y naghahanap ng 3rd Telco laban sa mga oligarko sa likod ng Smart at Globe telecoms.
Nahaharap sa kasong oil smuggling si Uy kasama ang isang Jorlan Cabanes at iba pa. Pero dahil sa impluwensiya, natulog ang asunto sa Korte Suprema na pawang Duterte appointees ang mahistrado – maliban sa dalawa, sina Associate Justice Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.
Si Gonzales naman ay minsang inilarawang pader ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez. Katunayan aniya, hindi bababa sa P2-bilyong halaga ng infrastructure projects ang nasungkit nito sa Mindanao – kabilang ang Davao City.
Kabilang sa kanyang nakorner na kontrata ang P700-milyong halaga ng proyekto para sa bahagi ng Surigao-Davao Oriental Coastal Road, P300-million contract para sa isa pang bahagi ng Surigao-Davao Oriental Coastal Road, P880-milyon para sa tatlong magkakaibang proyekto sa Campostela Valley, P319 milyon naman para sa isang proyekto sa Bukidnon.
Siya rin ang tatay ni MARINO partylist Rep. Carlo Lisandro Gonzales na kailanman ay hindi naging seaman o overseas contract worker na kanyang kinakatawan sa Kamara. Siya ay Vice President at Chief Operating Officer ng Ulticon Builders – bukod pa sa malapit kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Nariyan din ang Tsinong nagpapanggap na Pinoy. Sa husay ng pagpapanggap, naitalaga bilang presidential economic adviser. Siya ang nagsulong at nagbulong sa pagpasok ng China Harbour Engineering Company (CHEC) sa reclamation project ng gobyerno.
Sa pagsasaliksik, lumalabas na ang CHEC ay subsidiary company na ginagamit ng China Communications Construction Company (CCCC) na una nang isinama ng World Bank at Estados Unidos sa mga blacklisted companies dahil sa fraud at bribery.
Pero dahil sa husay na ipinamalas sa ginawang artificial island sa West Philippine Sea, bumilib ang Pangulo kaya siguro isinama na ito sa malalaking proyektong ibinulong umano ng isang dating presidential adviser ng Pangulo.
Hindi puwedeng mawala ang isa pang taga-Davao na si PRA general manager at CEO Janilo Rubiato na nagrekomenda ng mga reclamation projects para sa lagda ng Pangulo.
Malaking papel na kanyang ginampanan para kay Duterte noong 2016. Pinamunuan niya ang Duterte Presidential Campaign Trail sa Visayas region kung saan siya ang advance party ng noo’y alkalde ng Davao City.
*****
Para sa puna, reklamo, suhestyon, pagtutuwid at sumbong, maaaring mag-email sa fernanjoseangeles@gmail.com.