PROMDI
ni Fernan Angeles
SA LOOB ng mahigit tatlong dekada, nakasanayan ko na ang tumanggap ng pananakot ng ilan sa mga taong lubhang napikon sa mga paksang naisisiwalat laban sa kanila. May mga nagmumura, bumubulyaw, naninita at kung magkaminsa’y nagyayabang sa tibay ng kanilang sinasandalang pader.
Bagamat may mga pagkakataong namba-bluff lamang ang iba, hindi biro ang ginagawang pananakot ng isang kontratistang may record ng pagiging trigger-happy.
Kamakailan lamang ay ibinunyag natin ang tangkang panloloko ng isang kontratista sa Department of Education na muntik na niyang masungkit ang P1.1-bilyong halaga ng kontrata kaugnay ng paglilimbag ng learning modules na gagamitin sana ng hindi bababa sa kalahating milyong estudyante mula sa mga pampublikong paaralan.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit daig pa niya ang bulkan sa pag-aalboroto. Sa isang banda, may katwiran naman ang nasabing kontratistang itago muna natin sa alyas niyang ‘Palaboy.’ Masyado nga namang malaki ang nawala sa kanya makaraang ikansela ng DepEd ang kontratang naigawad sa kanya.
Nagawang sungkitin ni Palaboy ang panalo sa bidding gamit ang dinoktor na dokumento para magmukhang kalipikado ang kanyang negosyong nakarehistro bilang isang gift shop at hindi palimbagan ng aklat – o kahit pa learning modules sa ilalim ng blended learning system ng DepEd.
Bagamat mabilis ang naging tugon ng DepEd sa nabulgar na tangkang pandedenggoy ni Palaboy, tila kinapos ang kagawaran dahil magpahanggang ngayon ay wala pa rin katiyakan kung maililimbag ang mga kakailanganing learning modules ng mga mag-aaral lalo pa’t ilang linggo na lang ay muli nang magbubukas ang klase sa ilalim ng blended learning system.
Sa aking paniwala, may ginagawang paghilot si Palaboy sa DepEd kaya naman tuloy lang ang pananakot nito sa probinsiyanong peryodistang unang nagsiwalat ng kanyang modus sa gobyerno.
Sa puntong ito, minabuti kong alamin ang background ni Palaboy at dito ko napagtanto kung paano ma-ulol ang tinaguriang siga ng Marikina.
Buwan ng Disyembre taong 2009, may isang insidente sa Tutuban Mall sa Divisoria, Manila, sangkot si Palaboy na ipinagmamaneho ang kanyang inang noo’y isang DepEd district supervisor sa isang lungsod sa Metro Manila, ang nanutok ng baril dahil sa kagustuhan nitong agad na makausad, gayong batid naman ng lahat kung gaano kasikip ang trapiko sa nasabing lugar. At dahil buwan ng Disyembre, higit itong masikip kaysa normal na buwan ng taon.
Bagamat piniling umiwas sa tiyak na kapahamakang maaaring idulot ng armadong si Palaboy, mabilis nitong naitala ang plaka ng sasakyan ng taong nanutok sa kanya.
Agad itong tumungo sa Land Transportation Office upang magberipika at doon niya natiyak na ang sasakyan ay nakarehistro sa isang DepEd district supervisor ng isa sa 16 na lungsod sa Metro Manila. Hindi pa roon natapos dahil nakompirma niya ang pagkatao ng taong tumutok ng baril sa kanya nang makita niyang muli ang dalawa sa isang pagtitipon kung saan panauhin ang nasabing DepEd official.
Napag-alaman ko rin dati na rin palang nakaladkad ang pamilya ni Palaboy sa katiwalian dahil kaugnay ng paulit-ulit na pagkopo ng kanilang kompanya sa mga proyekto sa distrito kung saan DepEd supervisor ang kanyang ina.
Susmaryosep… may pinagmanahan naman pala itong si Palaboy na nanghihiram ng tapang sa baril at gumagamit ng koneksiyon ng kanyang inang dating nasa DepEd.