PROMDI ni Fernan Angeles
HINDI biro ang bunga ng mga reclamation projects sa mga anyong tubig sa bansa. Baha dito, baha doon. Pero bakit kaya patuloy pa rin ang pagsusulong ng gobyerno sa mga reclamation projects – partikular sa Manila Bay?
Ang sagot – dangan naman kasi, pasok na sa banga ang daan-daang milyong paunang SOP sa mga kasador na kumakatawan sa mga tanggapan ng pamahalaang dapat sana’y kumakalinga di lamang sa interes ng mga crony sa likod ng tatlong malalaking kompanyang kamakailan lamang ay ginawaran ng Notice to Proceed at Notice to Mobilize ng Office of the President.
Ang tatlong reclamation projects ay puwede nang simulan anumang oras ngayon – dalawa sa Pasay at isa sa Maynila.
Minsan nga’y naulinigan ko ang PR operator sa likod ng nasabing mga proyekto. Buong yabang niyang pagmamalaki na hindi kayang tibagin ang kanyang mga kliyenteng Intsik na malaki na aniya ang isinampang salapi sa administrasyon mula pa noong 2016.
‘Naaayos’ na raw kasi nila ibig sabihin na –fixed at nabayaran na raw nila ang Malakanyang kaya wala na silang problema!
Hindi ako eksperto pero ‘di naman yata kailangang maging eksperto para maunawaan nang lubos ang sitwasyon. Hinostage ng advanced SOP ng mga kapitalistang ito ang administrasyong Duterte.
Pero teka, sino nga ba itong hambog na PR handler na nagligwak sa bulilyasong suhulang naganap sa pagitan ng Malakanyang at ng mga kapitalistang cronies ng administrasyong Duterte?
Huh? Alam kaya ni Pangulong Digong at ES Medialdea ito?
Hirit pa ng kupal, walang magiging problema sa media dahil nasa payroll daw niya ang lahat ng mga kilala at big time na mga journalist sa TV, radio, print at online kasama ang mga social media influencers.
Feeling yata ng mokong na ito, hawak niya ang gobyerno at ang media, kaya wala ng puwedeng kumontra sa kanila.
Clues: Hindi siya kamag-anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Isa siya sa umubos ng pondo ng Pasig River Rehabilitation Council noong panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Dati din siyang humawak ng PR ng isang multi-national company na gumagawa ng mga shabu… este, shampoo.
Modus operandi niyang ibala ang media at mga politiko para makahingi ng malaking budget, na tiyak na tiyak na swak sa bank account niya.
But wait, there’s more. May kasapakat din itong isa pang PR operator na ang pangalan ay tunog artistang nakilala noong araw sa That’s Entertainment.
Ang nasabing PR operator ay siya rin nasa likod ng mga pangingikil noong 2019 sa mga politikong nasa narco-list ng Pangulong Duterte.
Ang diskarte ng ungas na ito’y lalapitan ang mga politiko at aalukin ng ‘tulong’ para mabura ang kanilang pangalan sa narco-list. May mga pagkakataon din na tinatrabaho niya ang kalaban ng kanyang kliyente sa pamamagitan ng isang special operation kung saan nagawan niya ng paraan na ipasok naman ang pangalan ng kanyang subject sa narco-list.
Ang siste, kinakaladkad ng gago ang pangalan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa kanyang mga kawalanghiyaan. Ang hindi ko lang matiyak kung alam na din ito ng nasabing kalihim.
Para sa mga sumbong, suhestiyon at pagtutuwid, mangyaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng email: [email protected].