NAGBABALA si Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na maaaring umabot sa 30,000 kada araw ang kaso ng CoVid-19 sa bansa kapag hindi nagpatupad ng mas mahigpit na patakaran ang pamahalaan gaya ng prevent-detect-isolate-treat-reintegrate approach.
“Nakatatakot kapag walang ginawa, aabot ang projection na ‘yan,” ayon kay Vega sa panayam kahapon sa DZBB.
Ang muling pagsirit ng CoVid-19 cases ay maaari aniyang ‘tip of the iceberg’ lamang dahil limitado ang kakayahan sa bansa na ma-detect ang Delta variant.
Lomobo sa mahigit 8,000 ang kaso ng CoVid-19 sa bansa sa nakalipas na dalawang araw at ang Delta variant cases ay tumataas sa Metro Manila, Region 1, Region 4A, Region 6, Region 7, at Region 10.
“Itong pag-sequence ng Delta virus, hindi naman lahat ng positive RT-PCR kundi kaunti lang. Tingin namin baka nasa ‘tip of the iceberg’ ang nakikita natin. Kailangan natin gumawa ng hakbang. Kung hindi natin makontrol ang transmission makahahawa talaga,” giit ni Vega.
Karamihan aniya sa 216 sequenced Delta variant cases ay mula sa Metro Manila.
Sinabi ni Vega, nangako ang Israeli experts na tutulong sa Filipinas sa pagtugon sa CoVid-19 ngunit hindi malinaw kung kasama rito ang bakuna.
(ROSE NOVENARIO)