PROMDI
ni Fernan Angeles
MATAGAL nang kalakaran sa piskalya ang areglohan ng mga asunto, lalo pa’t hinggil sa mga kasong klasipikadong “heinous crimes” na sa ilalim ng ating Revised Penal Code ay hindi pinahihintulutang makapaglagak ng piyansa ang akusado – maging pangulo man o pangkaraniwang mamamayan.
Sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon, kasong rape ang isinampa ng menor de edad na magkapatid laban sa kanilang yayamaning lolo na nagsamantala sa kanila sa loob ng siyam na taon.
Ayon sa biktimang personal na lumapit sa tanggapan ng PROMDI, lubos silang nababahala sa kinasapitan ng kasong isinampa nila lalo pa’t nasa labas ng piitan ang kanilang lolong kinilalang si Felicisimo Castillo Ponce dahil sa mas mababang antas ng kasong inihain ng piskalyang pinasasahod ng taongbayan para katawanin ang estado.
Susmaryosep… rape may piyansa? Oo naman lalo pa’t may gumagapang sa loob ng bulwagan ng katarungan – sa tamang halaga.
Sa ating pagtatanong-tanong, may nakapagsabing inaanak pala ng akusado ang piskal na humahawak sa kasong rape na napag-alamang dating ingat-yaman ng Barangay Maragondon sa Real, Quezon.
Sa aking sapantaha, hindi man lang nakakaramdam ng pagkabahala itong si Ponce batay sa kuwento ng dalawang biktima. Anila, tila nananadya pang ipinakita sa kanilang magkapatid ng kanilang lolo ang sandamakmak na salaping iniabot nito sa isang kilalang kasador na tambay sa korte na wari nila’y para sa mga tumulong na magawan ng paraan na siya’y makapagpiyansa.
Nabibilang din anila sa malaking angkan ang akusado kaya naman marahil malapit itong si Ponce kina Mayor Bing Diestro at sa ama nitong matagal na nagsilbing Mayor ng nasabing bayan. Katunayan, empleyado rin ni Diestro sa munisipyo ang anak at manugang nito.
Kilala din si Ponce na isang masugid na lider ng mga Diestro sa mahabang panahon kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit lubhang mahalaga sa kanila ang nasabing akusado lalo pa’t ilang tulog na lang at magdaraos nang muli ng halalan na inaasahang tatakbo bilang re-electionist mayor ang nakababatang Diestro.
Daing ng magkapatid na pinagsamantalahan ng manyakis na lolo, nangangamba silang mauwi sa wala ang kanilang hangad na katarungan, kasabay ng kanilang hiling sa Department of Justice na ilipat ang kaso sa kabisera o sa lalawigan ng Rizal kung saan hindi abot ng impluwensiya ng mga Diestro ang mga husgado.
Gayonpaman, naniniwala akong hindi nanaisin ng mga Diestro na mabahiran ang imaheng kanilang iniingatan sa loob ng kung ilang dekada mula nang pumalaot sa politika.
Anila, kilalang brusko ang kanilang lolo sa nasabing bayan. Katunayan, sandamakmak umano ang mga baril na nasa kanyang pag-iingat. Isinumbong na rin anila iyon sa lokal na pulisya pero hindi man lang umano sila inintindi nang marinig ang pangalan ng taong kanilang tinutukoy. Ang dahilan — bata daw kasi ito ng mayor ng nasabing bayan.
Pahabol pa ng nakakatandang biktimang 19-anyos na ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang panggigipit at pananakot ni Ponce sa kanilang magkapatid upang iatras ang demanda.
Hay naku… kung may dapat tinotokhang ang pulisya, ‘yan ay ang mga abusadong nakasampa sa impluwensiya ng mga nanunungkulan – maliban lang kung ang mga baril na nasa pag-iingat ni lolo Felicisimo ay mga baril ng private army ng kung sinumang makapangyarihan sa nasabing bayan.
Para sa mga sumbong, suhestiyon at pagtutuwid, mangyaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng email: [email protected].