ni ROSE NOVENARIO
PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ‘avid supporter’ dahil sa paggamit sa pangalan niya at ni Sen. Christopher “Bong” Go para manggantso ng ilang negosyante.
Nabatid na isinumbong ni Atty. Larry Gadon kay Pangulong Duterte ang isang alyas Louie Ceniza, sinabing masugid na tagasuporta ng Punong Ehekutibo, na ginantso ang kanyang mga kliyente sa paghimok na maglagak ng puhunan bilang kasosyo sa negosyong Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) nina Pangulong Duterte at Go.
“A certain Louie Ceniza who represents himself as someone very close to PRRD and SBG enticed several businessmen to put up a POGO company and demanded for 3 parts ownership of the company claiming that 1 part belongs to Ceniza and the other 2 parts belong to Pres. Duterte and Sen. Bong Go which was discovered to be a hoax,” ayon sa kalatas.
Nabatid, ang mga negosyanteng sina Dr. Noel Lacsamana, Phil Villamar, at mga kaibigan ay pinaniwalang malapit si Ceniza kina Pangulong Duterte at Go na itinanggi ng mag-amo.
Nang mabatid umano ni Pangulong Duterte mula kay Gadon ang insidente, agad siyang inutusan na magsampa ngreklamo sa NBI.
Batay sa salaysay sa NBI ng mga biktima, bumilib sila sa sinabi ni Ceniza na close kina Pangulong Duterte at Go dahil lagi siyang may kasamang apat na unipormadong escort mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipinagkaloob ng isang Gen. Roy Taguinod.
Ipinagmalaki umano ni Ceniza sa kanila na may opisina siya sa Malacañang ngunit nabisto nilang isang maliit na condominium unit malapit sa Palasyo ang inuupahan ng una at hindi siya opisyal ng gobyerno.
Sinabing ikinaila ni MMDA General Manager Jojo Garcia na may basbas niya ang pagkakaroon ng escorts ni Ceniza mula sa kanilang personnel.
Isa pang sinabing ‘kasabwat’ ni Ceniza ang nagpakilala bilang Army Gen. Javier, ang nagtiyak sa complainants sa katotohanan ng mga pahayag ng Duterte avid supporter.
Inamin ni Go kay Gadon, kilala nila si Ceniza bilang opisyal ng Philippine Eagles Movement pero hindi raw sila close at hindi kinokonsinti ang kanyang mga aktibidad.
Nabatid sa source na si Ceniza ay dating may public relations firm na sinabing kasosyo si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) assistant secretary Niño Padilla.
Si Padilla ay isa sa mga pasimuno ng Duterte Pa Rin Movement na nagtutulak sa 2022 presidential bid ni Davao City Mayor Sara Duterte noong nakaraang Mayo.
Sa ilang paskil sa Facebook ni Atty. Manuelito Luna, nakita na magkasama sila sa ilang pagkakataon ni Ceniza.
Maging sina PCOO Secretary Martin Andanar, PTFoMS chief Joel Egco at ilang mamamahayag ay nakasama rin nina Ceniza at Luna sa isang okasyon.
Matatandaan, si Luna ay sinibak ni Pangulong Duterte sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) noong nakaraang taon dahil sa paghimok sa NBI na imbestigahan si Vice President Leni Robreo sa pamamahagi ng ayuda sa mga naapektohan ng pandemya.