SA PAGSULONG ng inobasyon sa “new normal” at pagbagon ng bansa mula sa pinsala ng CoVid-19 pandemic, dapat maging prayoridad ang pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa math at science, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Para kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang kakayahan ng mga mag-aaral sa math at science ay isang pundasyon sa inobasyon — isang mahalagang aspekto sa pagbangon ng bansa mula sa pangkalusugang krisis at paghahanda para sa iba pang krisis na maaaring suungin ng bansa sa hinaharap.
Matatandaang hindi naging maganda ang resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), na lumahok ang mga mag-aaral ng bansa mula sa ika-apat na baitang.
Labing-siyam (19) porsiyento lamang ang marunong ng basic math habang 13 porsiyento naman ang nagpakita ng limitadong kaalaman sa mga pangunahing konsepto at impormasyon pagdating sa science.
Sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), 17 porsiyento ng mga mag-aaral sa ika-limang baitang ang may sapat na kaalaman sa math upang magpatuloy sa high school.
Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), matatandaang Filipinas ang nakatanggap ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa math at science.
Bagama’t kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd) ang K-12 curriculum, binigyang diin ni Gatchalian na kailangan din iangat ang kalidad ng mga guro at iresolba ang mga isyu sa “spiral progression approach” na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533).
Sa ilalim ng spiral progression approach, maraming mga paksa at konsepto ang inaaral ng mga estudyante kaya naman nagiging mabigat ang nilalaman ng curriculum o congested. Para sa ilan, hamon ang tinatawag na congested curriculum para makapagturo ng mas malalim ang mga guro at makapag-focus ang mga mag-aaral sa mga core academic subjects, tulad ng math at science.
Sa isang workshop na inorganisa ni Gatchalian sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation, lumalabas na kakaunti o kaya ay walang guro ang sanay na ituro ang lahat ng sangay ng isang subject.
Isinusulong ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act upang iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro.
Sa ilalim ng naturang panukala, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) upang maging mas maigting ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).
Ito ay upang maging magkaugnay ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sila ay sumabak sa napiling propesyon. (NIÑO ACLAN)