ni ROSE NOVENARIO
NAKAHANDA ang Pambansang Kamao Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao na makaharap si Davao City Mayor Sara Duterte sa 2022 presidential elections, itinuturing niyang “best fight” sa susunod na taon.
Idineklara ito ni Monico Puentevella, dating alkalde ng Bacolod City at pangulo ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP), tagapagsalita ng Pambansang Kamao habang nasa Amerika para sa kanyang laban kay Errol Spece, Jr.
Sinabi ni Puentevella, ang mga pang-iinsulto, pangmamaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte at pagpapatalsik kay Pacquiao sa PDP-Laban bilang presidente ay nag-ugat sa magiging mahigpit na katunggali ni Sara ang Pambansang kamao sa 2022 presidential race.
“The bottom line here is Sara Duterte vs Manny Pacquiao, the best fight in the Philippines,” aniya sa panayam ng The Chiefs sa One News kagabi.
Si Pacquiao aniya ang kinatatakutan ni Pangulong Duterte na makalaban ng kanyang anak dahil kung hindi tatakbo sa 2022 presidential polls ang Pambansang Kamao ay libre na silang gawin ang lahat.
Noong nakalipas na Sabado, pinatalsik si Pacquiao bilang PDP-Laban president sa national assembly na dinaluhan ni Pangulong Duterte bilang chairman ng partido.
“Kasi alam naman natin tatakbo si Sara, tapos lumabas, Run Sara Run,pumuntang Cebu kay Gov. Gwen Garcia, hindi tatakbo raw. Let’s all be honest, let’s face the music, tatakbo talaga si Mayor Sara,” dagdag niya.
“Inagaw mo ang partido ni Manong Nene Pimentel, ni Ninoy Aquino insultohin mo pang in years tulog ‘yan no’ng pumasok ka,” ani Puentevella patungkol kay Pangulong Duterte.
DUTERTE DAPAT HUMINGI
NG APOLOGY KAY PACQUIAO
INAMIN ni Puentevella, mahirap nang magkasundo sina Pangulong Duterte at Pacquiao dahil hindi pinagbigyan ng Punong Ehekutibo ang hirit na meeting ni Pacquiao nang magsimulang magkaroon ng hidwaan sa PDP-Laban.
“Humingi na ng meeting ang ating Pambansang Kamao, humingi na mag-usap si Pacquiao, hindi sinagot. After the trouble nagsimula sa PDP, humingi naman ng meeting si Sen. Pacquiao na sana mag-usap hindi binigyan ng pagkakataon,” aniya.
Bukas aniya si Pacquiao sa mga alok na pakikipag-usap ng ibang partido gaya ng Liberal Party, 1Sambayan at Nationalist People’s Coalition (NPC) para isulong ang kanyang presidential bid ngunit hindi niya kailangan umalis sa PDP-Laban.
Inisnab na nga aniya ang hiling na meeting, isinulong pa ng Pangulo ang panlalait kay Pacquiao sa panahong pinaghahandaan ang laban kay Spence kahit hindi naman kumikibo ang senador.
“Tapos ‘yung marinig mo sa programa sinabi ni Presidente ‘Ay itong si Pacquiao hindi nga marunong magbasa, hindi nagbabasa kasi hindi marunong magbasa, tapos may mga mura pa.”
Kahit pangulo ng bansa si Duterte, aniya, hindi wasto na murahin ang isang senador kaya dapat humingi ng paumanhin ang Punong Ehekutibo sa senador.
“So para sa akin, iniinsulto ka hindi ka marunong magbasa, goner ka na, laos ka na huwag ka na mag-boxing, absentee ka, You know lahat ng insulto tinanggap ni senador.”
“I expect, even if you are the president for a senator na minura mo, at least you owe him an apology. Kung hindi ka mag-apologize kay Senator, ito ay magtatapos sa dulo, sa eleksiyon, sa susunod na eleksiyon.”
Kung tutuusin aniya ay mas edukado pa si Pacquiao kay Duterte dahil kahit anong pagmumura ng Pangulo sa kanya ay hindi sumasagot ang senador.
“Well, kasi this is a free country, Sen. Pacquiao wants to be a candidate, gusto niyang murahin, hindi naman sila binabastos. Mas edukado nga si Senator maski anong banat sa kanya. Minumura ka na, pinalitan ka as president, hindi ka man lang kinausap, humingi ka ng meeting hindi ka man lang kinausap .Tapos lahat na binibira sa iyo, bilang Kristiyano, hindi ka sinasagot.”
Hindi aniya sukatan ang mataas na pinag-aralan ng isang tao para maging mabuting pinuno at katunayan ang Filipinas na pinamunuan ng mga edukado pero naghihirap pa rin.
Nanindigan siya na si Pangulong Duterte ang nagsimula ng iringan nila ng Pambansang Kamao dahil nang kumasa si Pacquiao sa hamon ng Pangulo na ilabas ang ebidensiya ng korupsiyon ay nagalit siya sa senador.
“Let’s be honest, sino ang nagsimula nito, ng away? Si Presidente naman ang nagsabi, corruption ka ng corruption, ilabas mo.
“‘Oh sinabi ni Sen. Pacquiao ilalabas ko,’ bakit ka nagalit? Sana sinabi mo, ‘sige senator mabuti tulungan mo kami, ilabas mo kasi kung malaman ko, patatalsikin ko ‘yan kung sino ang mga magnanakaw.’
“E wala e, ang tinira niya si Sen. Pacquiao, hindi naman nagmura sa kanya o nagbastos sa kanya. Pumunta na lang sa Amerika kasi may training talaga na naka-schedule,” ani Puentevella.
Tiniyak ni Puentevella, pagbalik ni Pacquiao sa bansa ay ihaharap sa Senate Blue Ribbon Committee ang lahat ng isyu ng korupsiyon na kanyang isiniwalat bago nagtungo sa US.
DUTERTE DAPAT AMININ
KASALANAN SA BAYAN
HINAMON ni Puentevella si Pangulong Duterte na aminin ang mga kasalanan sa bayan, dahil kaya pinatatakbo ang anak sa 2022 presidential race at lalahok bilang vice presidential bet dahil natatakot mabilanggo.
Kung dati aniya, ang bukambibig ng Pangulo ay uuwi na lang ng Davao City pagkatapos ng kanyang termino sa 2022, ngayon ay bulgar na sinabing nais maging bise presidente para makaligtas sa asunto.
“Let’s face the music, si Sara, at takot siya mabilanggo, e bakit ba siya takot mabilanggo kaya tatakbo raw vice president para may immunity. Ano ba kasalanan niya, sabihin niya sa bayan,” ani Puentevella.
Mas gusto ni Puentevella na matuloy ang Duterte-Duterte tandem upang malaman kung gusto ng mga Pinoy ang dynasty.
Hindi aniya kayang pigilan ng Duterte-Duterte tandem ang presidential bid ni Pacquiao dahil gusto ng Pambansang Kamao na matulungan ang mga maralita at ayusin ang bansa.
“Bakit hindi natin ituloy, patakbuhin natin silang dalawa presidente si Sara, siya ang vice president, to know kung ang bayan na ito’y gusto ng dynasty. Sige kasi kahit unconstitutional, pipilitin na maging constitutional, puwede, dahil sila ang may kapangyarihan. Even if they run, Sen. Pacquiao will not stop, he wants to help the poor, he wants to improve this country,” aniya.
Hindi na kayang sikmurain ni Pacquiao ang administrasyong Duterte kaya tinalikuran ito matapos ang limang taon na pagiging kaalyado.
“Hindi na kaya ni Sen. Pacquiao. Maraming tao ngayon dati bomoto, sumuporta, tumulong sa Pangulo pero kapag sinabi mong anak mo ang susunod kapag umalis ka, isang pamilya, anak at ama, mukhang hirap na ang bayan.”
“Si Sen. Pacquiao, tumindig at inilabas ang kanyang puso at damdamin,” wika ni Puentevella.