Monday , December 23 2024

Duterte wakasan na – Bayan (Panawagan sa huling SONA)

SALOT sa bayan, numero unong sinungaling, protektor ng mga corrupy, at hayok sa kapangyarihan.

Ganito inilarawan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi dapat manatili sa puwesto at palawigin ang kanyang rehimen.

“Bakit nga ba isinusuka na natin si Duterte? Bakit ayaw na natin siyang manatili pa sa puwesto, ngayon at lagpas ng 2022?

“Simple lang ang dahilan. Si Duterte ay palpak sa pandemya at ekonomiya. Diktador siya kung umasta sa mamamayan. Pinaghirap niya ang mamamayan sa panahon ng CoVid-19. Inutil siya sa problema sa China at West Philippine Sea. Siya ay salot sa bayan, numero unong sinungaling, protektor ng mga corrupt, at hayok sa kapangyarihan,” sabi ng Bayan sa isang kalatas kaugnay sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes.

Ayon sa grupo, wala na sigurong mas garapal pa sa ginagawa ni Pangulong Duterte at kanyang mga alipores para pahabain ang kanilang kapit sa kapangyarihan sa gitna ng napakaraming problema sa pandemya at ekonomiya.

“Habang ang ordinaryong tao ay naghihirap, ang mga namumuno ay nag-uunahang isulong ang pansariling interes.”

Kahit  anila napakaraming kasalanan sa bayan ni Pangulong Duterte, mula sa palpak na tugon sa pandemya, kulang-kulang na ayuda, pagbenta ng bansa sa mga dayuhan, kuropsiyon at libo-libong pinatay – nais pa rin ng Punong Ehekutibo na pahabain ang kanyang termino sa pamamagitan ng pagtakbo bilang Bise Presidente.

“Kasabay naman nito ang pagnanais na patakbuhin din ang kanyang anak bilang Presidente. Walang kahihiyan sina Duterte sa pagkapit sa poder. Gusto nilang ikonsentra ang kapangyarihan sa iisang pamilya lang,” anang Bayan.

“Kunwari pa ay para raw ituloy ang pagbabago, pero may nagbago ba talaga sa ilalim ng kanyang madugong pamamahala? Baka naman ang talagang layon niya ay protektahan ang sarili laban sa mga kaso at demanda kapag hindi na siya presidente?”

Giit ng grupo, lubhang makasarili at garapal ang tambalang Duterte-Duterte, insulto sa taongbayan at pagtatayo ng political dynasty sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Para sa Bayan, inilugmok ni Pangulong Duterte ang Filipinas sa pinakamahabang lockdown sa mundo, habang kulang na kulang ang ayuda para sa mahihirap.

        Hindi pa rin anila tuluyang bumababa ang kaso ng CoVid-19, mahigit 12 milyon ang walang trabaho ayon sa Social Weather Station (SWS).

“Dumami ang nagugutom at namamalimos sa lansangan. Ang bilang ng naghihirap ay napakataas pa rin. Napakabagal naman ng paglalabas ng bakuna, nasa 3% pa lamang ng populasyon ang kompleto ang bakuna. Malabo nang makabangon sa dating antas ang ating ekonomiya ngayong taon,” giit ng Bayan.

Sa harap anila ng matinding krisis ay puro panunupil ang inaatupag ni Duterte.

Ayon sa Bayan, talamak ang terorismo ng estado sa ilalim ni Duterte, libo-libo ang pinapatay niya sa ngalan ng war-on-drugs, ipinasara niya ang ABS-CBN, ipinasa ang terror law, ipinapatay at ikinulong din niya ang mga aktibista at kritiko.

Matapang lang anila kapag kontra sa Filipino si Pangulong Duterte pero tiklop naman sa mga dayuhan, US man o China.

“Tatapusin daw niya ang droga at kuropsiyon, pero matapos ang 5 taon, laganap pa rin ang ilegal na droga at lumala pa ang kuropsiyon. Tatapusin daw ang kontraktwalisasyon, pero laganap pa rin ang mga kontraktwal. Nangako sya ng komportableng buhay, pero milyon-milyon ang nagdurusa ngayon. Tapos gusto pa nila ng panibagong anim na taon sa Malacañang?”

Hinimok ng Bayan ang publiko na lumahok sa protesta sa Lunes at sabayang iparinig ang totoong kalagayan ng bansa sa ilalim ng gobyernong Duterte. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *