ISANG oportunidad para hamunin ang 1987 Constitution ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas sa asunto ang bise presidente ng Filipinas kaya nais niyang lumahok sa 2022 vice presidential race.
“Let’s just say perhaps this is an opportunity to provoke jurisprudence,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon.
Ito ay makaraang kuyugin ng mga kapwa abogado si Pangulong Duterte sa pananaw na maliligtas siya sa asuntong ihahain nina dating senador Antonio Trillanes IV at dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kapag naging bise presidente siya.
Malinaw na nakasaad sa Saligang Batas, ang pangulo lamang ng bansa ang ligtas sa demanda at hindi kasama ang bise presidente.
Magugunitang si Vice President Leni Robredo ay idinemanda ng kasong sedisyon ng Department of Justice (DOJ) noong 2018.
Si noo’y Vice President Jejomar Binay ay sinampahan din ng graft cases habang nasa poder noong administrasyong Aquino. (ROSE NOVENARIO)