ni ROSE NOVENARIO
HINDI ligtas sa asunto ang bise presidente ng Filipinas.
Inilinaw ito ng ilang legal experts, matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa national assembly ng PDP-Laban sa sa Clark, Pampanga noong Sabado na sasabak siya sa 2022 vice presidential race para makaligtas sa mga asuntong isasampa laban sa kanya pagbaba sa poder sa susunod na taon.
Sinabi ni Far Eastern University (FEU) College of Law Dean Mel Sta. Maria, ‘palpak’ ang paniniwala ni Duterte dahil walang immunity sa kaso ang vice president ng bansa.
“Wala sa konstitusyon at sa ating jurisprudence na may immunity ang bise-presidente. Palpak kayo riyan sir. Basic to the point of being elementary sa law students ang puntong iyan,” paskil ng abogado sa kanyang Facebook account.
Ayon kay Sorsogon Gov. Chiz Escudero, isang abogado, malinaw sa Saligang Batas na Pangulo ng Filipinas at hindi ang Bise Presidente ang may immunity sa mga asunto.
“The 1987 Constitution explicitly states that the President is immune from suit. The same, however, is not true for the Vice-President,” ani Escudero sa Twitter.
Gayondin ang paninindigan nina Albay 1st Dist. Rep. Edcel Lagman at dating Supreme Court Public Information Office chief Theodore “Ted” Te.
“The VP is not immune from suit by law or by tradition. Non-issue. Non-story,” sabi ni Te sa Twitter.
Kahit ilang beses minaliit ni Pangulong Duterte ang mga pahayag nina dating Sen. Antonio Trillanes IV at dating Supreme Court Senior Associate Antonio Carpio laban sa kanya, kinompirma niyang ang takot sa mga banta na aasuntohin siya, ang nagtutulak sa kanyang kumandidong bise-presidente upang makaligtas sa kulungan.
“They keep on threatening me with lawsuits and everything. Trillanes and itong si Carpio and his ilk. Panay ang takot sa akin na mademanda ako,” anang Pangulo sa PDP-Laban national assembly.
“Sabi ng batas, kung presidente ka, bise presidente ka, may immunity ka. E ‘di, tatakbo na lang ako na bise presidente,” dagdag niya.
Kahit dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte, hindi kinilala nina Sens. Aquilino Pimentel III at Emmanuel “Manny” Pacquiao ang naturang national assembly na nagpatalsik sa kanila sa puwesto bilang presidente at executive vice chairman ng PDP-Laban.
Ang tunay na national assembly anila ng PDP-Laban ay sa darating na Setyembre.
Mismong si Justice Secretary Menardo Guevarra ay inihayag noong Hulyo 2019 na hindi ligtas sa kaso ang vice president ng bansa.
“The Constitution does not grant the vice president immunity from suit.”
Sinabi ito ni Guevarra kasunod ng kasong sedition na isinampa laban kay Vice President Leni Robredo kaugnay sa viral videos na nag-ugnay kay Duterte sa ilegal na droga.
Ibinasura ng DOJ ang mga asunto laban kay Robredo.
Maging si dating Vice President Jejomar Binay ay tinambakan ng kasong graft habang nasa poder noong administrasyong Aquino.
Check Also
Tulfo una sa bagong survey
NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …
Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado
INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …
Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG
SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …
Apela ni Kiko
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN
MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …
Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon
ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …