WPS pozo negro ng China – AI Tech
ni ROSE NOVENARIO
GINAWANG pozo negro ng daan-daang Chinese vessels ang ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) nang gawing tapunan ng dumi ng tao ang dagat na sakop ng teritoryo ng Filipinas, batay sa satellite images ng isang US-based expert sa nakalipas na limang taon.
Sa katunayan, ayon kay Liz Derr, co-founder at CEO ng Simularity Inc., isang software company na lumilikha ng artificial intelligence technologies para sa satellite imagery analysis, naispatan ang 236 Chinese ships na nakaangkla sa Union Banks na nasa exclusive economic zone ng bansa noong 17 Hunyo 2021.
“When the ships don’t move, the poop piles up.
“The hundreds of ships that are anchored in the Spratlys are dumping raw sewage onto the reefs they are occupying,” ani Derr sa kanyang presentation hinggil sa Spratlys water quality report sa isang online forum na inorganisa ng Stratbase ADR Institute sa ikalimang anibersaryo ng South China Sea arbitral ruling.
Nagdudulot aniya ito ng malubhang pinsala sa coral reefs at mga isda sa lugar dahil sa namumuong chlorophyll-a sa tubig na nagiging phytoplankton.
“Excess phytoplankton that cannot be consumed by the reef inhabitants dies off and sinks to the sea floor, where it consumed by bacteria,” ayon sa report.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Eduardo Menez, ang ulat ay pag-aaralan at kokompirmahin ng pamahalaan bago magpasya kung maghahain ng protesta laban sa China.
Muling tiniyak ng US State Department ang kahandaan na ipagtanggol ang Filipinas kapag inatake alinsunod sa Mutual Defense Treaty.
Suportado ng Biden administration ang 2016 abitral decision na pumabor sa Filipinas kontra sa pangangamkam ng China sa WPS.