China tumulong maluklok si Duterte (Kaya kapit-tuko sa Beijing) — Ex-DFA chief
TUMULONG ang China na magwagi si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 elections kaya kapit-tuko ang administrasyon sa Beijing.
Ayon kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, nakatanggap siya ng impormasyon noong 22 Pebrero 2019 na ipinagyayabang ng matataas na opisyal ng China na naimpluwensiyahan nila ang 2016 Philippine elections kaya naluklok sa Malacañang si Duterte.
“On February 22, 2019, we received information from a most reliable international entity that high officials from China are bragging that they had been able to influence the 2016 Philippine elections so that Duterte would be president,” sabi ni Del Rosario sa isang online forum sa paggunita sa ikalimang anibersaryo ng International Arbitral Tribunal victory ng Filipinas laban sa China.
“We believe that our Beijing post can easily validate this. Moreover, subsequent actions of the President lend more credence to this information,” dagdag niya.
Itinanggi ng Palasyo ang pahayag ni Del Rosario.
Sa nakalipas na limang taon ay hindi ipinursigi ni Duterte ang arbitral ruling sa China at tinawag ang desisyon na isang pirasong papel na itatapon lang niya sa basurahan.
“Sa usapang bugoy, sabihin ko sa’yo, ibigay mo sa akin, sabihin ko sa’yo: ‘P**ang in,* papel lang ‘yan. Itatapon ko ‘yan sa waste basket,” sabi ni Duterte sa kanyang Public Address noong 5 Mayo 2021.
Inamin ni Pangulong Duterte noong 15 Mayo 2018, nangako sa kanya si Chinese President Xi Jinping na poproptektahan siya laban sa anomang plano na patalsikin siya sa poder.
“The assurances of Xi Jinping were very encouraging. ‘We will not – ,’ e nandiyan naman sila. ‘We will not allow you to be taken out from your office, and we will not allow the Philippines to go to the dogs,’” ani Duterte sa kanyang talumpati sa Casiguran Bay, Aurora.
Inakusahan noon ni Pangulong Duterte ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika na may balak siyang pabagsakin na mariing itinanggi ng US. (ROSE NOVENARIO)