Thursday , April 10 2025

‘Troll farms’ ni Duterte tatalupan ng Senado

ni Rose Novenario

 DESIDIDO ang 12 senador na talupan ang nasa likod ng mga ulat na winawaldas ang pera ng bayan para sa troll farms na nagpapakalat ng mga kasinungalingan sa social media.

Sa entry ng Cambridge English Dictionary, ang trolls ay mga taong nag-uumpisa ng away sa internet o mga taong nakikisali sa palitan ng kuro-kuro at komentaryo sa internet at nagpo-post ng mga hindi kaaya-aya upang makakuha ng atensiyon, makapang-insulto o makapanakit ng ibang tao.

Nilagdaan at inihain ang panukalang Senate Resolution 768 nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, kasama sina Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, Grace Poe, at Joel Villanueva kahapon na humihiling sa mga kaukulang komite sa Senado na maglunsad ng imbestigasyon sa umano’y nagpapakawala ng dispalinghadong impormasyon na inaayudahan ng estado at tinutustusan ng pondo ng gobyerno.

Ang naturang hakbang ay bunsod ng isiniwalat kamakailan ni Lacson na isang undersecretary ng  administrasyong Duterte ang nagkakasa ng troll farms sa buong bansa bilang paghahanda sa 2022 elections.

Tinukoy sa resolusyon ang ulat na umupa ang Department of Finance (DOF)  ng isang public relations (PR) man na tinagurian ng Facebook bilang “operator behind a pro-Duterte fake account network” sa FB pages na tinanggal ng social media giant noong Marso 2019.

Nakasaad dito ang kahalintulad na social media consultancy contract noong 2017 sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at pro-administration blogger na bantog na tagapamandila ng ‘fake news’ at ‘hate comments’ laban sa mga kritiko ng pamahalaan.

Ilan umano sa mga blogger at social media personalities ay itinalaga sa matataas na posisyon sa iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng gobyerno.

“The Duterte administration even appointed some of these bloggers and social media personalities to high positions in various departments and agencies in government,” saad sa resolusyon.

Giit ng mga senador, dapat malaman ng sambayanang Filipino ang dahilan bakit ginagastos ng gobyerno ang pera ng bayan para sa troll farms na ikinukubli bilang ‘public relations practitioners’ at ‘social media consultants’ na naghahasik ng fake news imbes tustusan ang ayuda para sa CoVid-19, health care, food security, jobs protection, education, at iba pa.

“Filipinos should know why government spends public funds on troll farm operators disguised as ‘public relations practitioners’ and ‘social media consultants’ who sow fake news rather than on CoVid-19 assistance, health care, food security, jobs protection, education, among others,” anang mga senador.

Nauna rito’y inihain ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ang House Resolution No. 1900 na may layuning hubaran ng maskara ang tinukoy ni Lacson na isang undersecretary ng administrasyong Duterte na ginagamit ang pera ni Juan dela Cruz para tustusan ang troll farms para magluklok ng “Troll President” sa 2022.

Ayon sa HR 1900, ang troll farm o troll factory ay isang grupo ng internet trolls na nakikialam sa political opinions at decision-making.

Kinuwestiyon kamakailan ng Commission on Audit (COA) ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa paggasta ng mahigit P70 milyon para sa suweldo ng 375 contractual employees noong 2020.

Ito’y triple ng aktuwal na bilang ng regular PCOO employees kaya’t pinagdudahan na ang contractuals ay nakatalaga sa troll farm.

Itinanggi ni PCOO Undersecretary Kris Ablan na nagmamantina ang kagawaran ng trolls at ang inupahan nilang contractual employees ay “social media specialists” na may “highly technical tasks.”###

About Rose Novenario

Check Also

Coco Martin Lito Lapid

Coco, Lito magmo-motorcade sa Cavite sa Abril 10

MAGSASAMANG muli sina Senador Lito Lapid at Direk Coco Martin matapos ang pagkamatay ni Supremo aka “Primo” sa Batang Quiapo sa …

SLP Swim League Philippines Patriots League of Champions III

Mula Grassroots Hanggang Champions: SLP Patriots, Umangat sa League of Champions III

Walang inuurungan ang Swim League Philippines (SLP) Patriots sa pangunguna ni Coach Zaldy Lara, matapos …

Grand rally FPJ Panday Bayanihan, dinagsa ng Bicol supporter

FPJ Panday Bayanihan Partylist, dinagsa sa Bicol

LIBO-LIBONG Bicolano ang dumagsa sa kalsada upang tunghayan ang motorcade campaign ng FPJ Panday Bayanihan …

TRABAHO Partylist umiigting pa ang kampanya

TRABAHO umiigting pa ang kampanya

MAS PINAIGTING ng TRABAHO Partylist, numero 106 sa balota, ang kanilang kampanya nitong Sabado mula …

Arrest Shabu

Buy-bust ops sa Arayat, Pampanga
P6.8-M shabu nasabat, big time HVT tiklo

MATAGUMPAY na nagsagawa ng buybust operation ang mga operatiba ng Arayat MPS Station Drug Enforcement …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *