MAS marami sanang nagawa ang Office of the Vice President (OVP) kaugnay sa pagtugon sa CoVid-19 pandemic kung puwede rin silang kumuha ng dagdag na 375 personnel gaya ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) noong 2020.
“Hindi ko ma-imagine ‘yung 375. Kapag iniisip ko may plus 375 kami ang laking bagay no’n to any office. Ang dami-daming puwedeng gawin,” sabi ni Vice President Leni Robredo sa kanyang radio program “BISErbisyong Leni” kahapon.
Ang pahayag ni Robredo ay reaksiyon sa pagkuwestiyon ng Commission on Audit (COA) sa pagkuha ng PCOO ng 375 contractual personnel na tumanggap ng kabuuhang P70.6 milyon suweldo kahit ang kanilang trabaho ay ginagawa ng mga regular na empleyado.
Anang COA, karamihan sa contractuals ay nasa tanggapan ni PCOO Secretary Martin Andanar.
Kinompara ito ni Robredo sa kanyang tanggapan na may 21 contractual workers at 64 contract of service at 160 regular employees.
“Ang dami naming magagawa kapag binigyan kami ng additional 375,” ani Robredo.
Inilahad niya na dumami lamang ang kanyang mga tauhan sa panahaon ng pandemya dahil kailangan nilang kumuha ng dagdag na 70 contract workers para sa dagdag na serbisyo na inilaan nila sa publiko gaya ng ambulance, emergency medical services personnel, Bayanihan E-Konsulta at iba.
“Ngayon lang iyon. Pansamantala lang iyon. Over the past five years, less than 300 kami,” giit ng Bise-Presidente.
Idinagdag niya, ang OVP ay isa o dalawa lamang na nagmamantina ng kanilang social media pages at dalawang videographers na nakatalagang mag-cover ng kanilang mga aktibidad sa buong bansa.
(ROSE NOVENARIO)