ni ROSE NOVENARIO
NAGBABALA ang isang mambabatas sa nagbabadyang malaking aberya sa power plants sa nakaambang “ashfall disaster” kapag may malakas na pagsabog ang Taal Volcano, sampung buwan bago idaos ang 2022 elections.
Ayon kay Makati City Rep. Luis Campos, Jr., nasa panganib ang katatagan ng power supply ng Luzon sa napipintong malakas na pagsabog ng bulkang Taal lalo na’t 11 power plants ang nasa karatig siyudad at munisipalidad.
“Our worry is volcanic ashfall, which could pose a hazard to Luzon’s power infrastructure, considering the high concentration of power plants in nearby Batangas City and the Municipality of Calaca,” ani Campos.
Paliwanag ni Campos, ang hilagang kalahati ng volcano island ay nasa bahagi ng Talisay na 38 kilometro ang layo sa Batangas City na lokasyon ng limang malaking power plants na nagsu-supply ng 3,286 megawatts sa Luzon grid.
Habang ang Calaca na 29 kilometro ang layo sa Talisay ay lokasyon ng anim pang power plants na nagsu-supply ng dagdag na 1,100 megawatts.
“The entire power sector – from generation, transmission to distribution – should brace for the worst-case scenario wherein they might be overwhelmed by ashfall,” ani Campos.
“They should have operational plans that will enable them to run their critical functions, including maintenance work, even with ashfall,” dagdag niya.
“We would urge them to adopt risk mitigation and disaster recovery plans to minimize disruptions and to quickly restart operations should temporary stoppages become unavoidable.”
Nananatiling nasa alert level 3 ang Taal Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ang malubhang ashfall mula sa malakas na volcanic eruption ay maaaring makaguho sa mga estruktura bunsod nang naipong ash deposit at mabuwal ang mga puno sa linya ng koryente, batay sa United States Geological Service (USGS).
Puwede rin maging sanhi ng accidental flashovers ang ashfall sa high voltage lines na nagkaroon ng basang abo.
Ang flashovers ay ang disruptive electrical discharges mula sa insulators na nagkaroon ng abo at tubig mula sa ashfall cleanup activities.
“Ashfall could also jam air intakes and accelerate the wear of gas turbines and boilers, contaminate water cooling reservoirs, impair heat-exchange systems, and cause water damage to electrical equipment due to blocked gutters, among other hazards,” sabi ni Campos.
Nauna rito’y nag-warning ang Department of Energy (DoE) na puwedeng maranasan muli sa bansa ang rotational brownout sa araw ng halalan sa susunod na taon, 9 Mayo 2022, kapag hindi kinastigo ng pamahalaan ang power suppliers na lumalabag sa patakaran ng kagawaran.
Bahagi ng polisiya ng kagawaran na maglaan ng reserba ang power supplier kapag may pumalyang planta.
Noong nakaraang buwan ay nakaranas ng rotational brownout sa Luzon dahil magkakasabay na pumalya ang sampung power plants.
“Tinitingnan din natin from the Department of Justice kung ano ang nangyayari na puwede bang nagkaroon ng krimen dito sa mga hindi pagsunod sa polisiya ng Department of Energy dahil puwede na naman itong mangyari next year at anong mangyayari next year? E, may eleksiyon tayo tapos mayroon pa tayong inaasikasong CoVid at marami pang puwedeng maging challenges sa atin,” sabi ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella sa Laging Handa public briefing kamakailan.
Mula noong 2010 ay ipinatutupad ang automated elections sa bansa o ang paggamit ng Precinct Count Optical Scanner (PCOS) machine na pinaaandar ng koryente.