Digong walang binatbat kina Grace, Isko, at Tito
ni ROSE NOVENARIO
TINIYAK ni dating Sen. Antonio Trillanes IV kahit maging bise presidente ay hindi makaliligtas si Pangulong Duterte sa pananagutan sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa libo-libong nasawi bunsod ng drug war ng kanyang administrasyon.
“Hindi siya makaliligtas. Kapag nanalo ang oposisyon kahit manalo siya ng VP, ihahatid pa rin siya sa ICC,” sabi ni Trillanes sa panayam ng HATAW.
Sa kabila nito’y hindi kombinsido si Trillanes na may malaking tsansa si Duterte sa vice presidential race dahil base umano sa survey na isinagawa ng kanilang grupo, mababa ang popularidad ng Pangulo at kaya siyang talunin kapag sumabak sa pagka-bise-presidente sina Sen. Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno at Senate President Tito Sotto.
“Wala siyang magagawa, ‘yung postura niyang ganyan, nag-survey kami, hindi siya mananalo kay Grace Poe, Isko Moreno at kahit si Tito Sotto tatalunin siya,” aniya.