ni ROSE NOVENARIO
ISANG partylist solon ang inireklamo ng Malaysian national dahil pinagbayad siya ng P5.2 milyong upa sa gusaling pagmamay-ari ng mambabatas ngunit hindi siya pinayagang okupahin ang estruktura.
Naghain ng reklamo sa Barangay Kapitolyo, Pasig City kamakailan si Chu Kok Wai, 38 anyos, kinatawan ng Globallga Business Process Outsourcing Inc., laban kay Diwa partylist Rep. Michael Edgar Aglipay bunsod ng pagtanggi ng mambabatas na palipatin ang kanilang kompanya sa Miguel Manor apartment building sa 88 San Pedro St., Kapitolyo, Pasig City kahit nakapagbayad umano ng P5.2 milyon bilang two months advance payment at two months deposit.
Sa panayam, sinabi ni Chu, may three-year contract of lease silang nilagdaan ni Aglipay noong 07 Enero 2020, may bisa hanggang Enero 2023 na nagsasaad ng lahat ng napagkasunduan ng magkabilang panig kasama rito ang rentang P1.3 milyon kada buwan o P15.6 milyon kada taon.
Giit ni Chu, lahat ng requirements na nakasaad sa kontrata ay sinunod nila ngunit laking gulat niya dahil noong araw na lilipat sila’y hindi sila pinapasok sa gusali ng security guard sa utos umano ni Aglipay.
Sa nakalipas na mahigit isa’t kalahating taon, hindi umano nakipag-ugnayan kay Chu si Aglipay at hindi isinauli ng mambabatas ang P5.2 milyong nakuha sa kanya.
Si Aglipay ay chairperson ng Committee on Good Government and Public Accountability, anak ni dating Philippine National Police (PNP) chief ret. Gen. Edgar Aglipay at kapatid ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, maybahay ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.
Ang maybahay ng mambabatas na Aglipay na si Ginger Rosales-Aglipay ang chairman ng Aglipay Security Corporation na negosyo ng kanilang pamilya.
Sinubukan ng HATAW kunin ang panig ni Aglipay ngunit hindi tumugon ang mambabatas hanggang isinusulat ang balitang ito.