Bakuna o kulong ni Duterte vs anti-vaxxers ilegal
ni ROSE NOVENARIO
WALANG legal na basehan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ayaw magpabakuna o anti-vaxxers na kanya umanong ipakukulong.
Inamin ng Malacañang, hindi uubra ang banta ni Duterte na ipadakip sa mga awtoridad ang mga ayaw magpabakuna kontra CoVid-19 dahil lalabas na ito ay ilegal at hindi naaayon sa batas.
Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan ng batas para maipatupad ang mandatory vaccination at upang maparusahan ang hindi magpapabakuna.
“So kinakailangan po natin either ng ordinansa or ng batas na magpapataw din ng parusa ‘no doon sa mga ayaw magpabakuna. So ang sinabi po ni Presidente kahapon, well kung kinakailangan gawing mandatory ‘yan, mayroon naman talagang legal na basehan iyan pero kinakailangan ordinansa or ng batas,” aniya.
Matatandaan sa Talk to the People ng Pangulo kamakalawa ay inutusan niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga opisyal ng barangay na ilista ang mga ayaw magpabakuna.
Dapat aniyang arestohin ang mga tatangging magpabakuna at turukan sa puwet gamit ang bakuna sa baboy na Ivermectin.