TINULDUKAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang araw na pagkalito ng sambayanan sa paiba-ibang pahayag kaugnay sa pagsusuot ng face shield.
Inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, nanatiling mandatory ang pagsusuot ng face shield pareho sa indoors at outdoors matapos mapaulat na may dagdag na apat na kaso ng mapanganib na Delta CoVid-19 variant.
Ang Delta CoVid-19 variant ang pinakamapanganib at 60% na mas mabilis makahawa kaysa ibang variant.
Sa report ng Department of Health (DOH), umabot sa 17 kaso ng Delta CoVid-19 variant, na unang namonitor sa India.
Ngunit sa mismong televised meeting ng Pangulo sa ilang miyembro ng gabinete sa Malacañang kagabi, siya mismo at ilan sa kanila’y walang suot na face shield, tulad nina Health Secretary Francisco Duque III, vaccine czar Carlito Galvez, Jr., Interior Secretary Eduardo Año at Senate committee on health chairman, Sen. Christopher “Bong” Go.
Matatandaan, noong nakaraang linggo ay sinabi ni Pangulong Duterte kay Senate President Tito Sotto na payag siyang limitahan ang pagsusuot ng face shield sa mga ospital.
Ngunit umapela ang IATF na irekonsidera ng Pangulo ang desisyon para sa enclosed at indoor spaces at iba pang public places. (ROSE NOVENARIO)