Kagawad na trigger happy arestado (Pamilyang tumatawid sa ilog pinaulanan ng bala)
NADAKIP ang isang barangay kagawad matapos paulanan ng bala ang walo kataong tumatawid sa ilog sa Brgy. Anungu, bayan ng Rizal, sa lalawigan ng Cagayan, nitong Linggo, 13 Hunyo.
Kinilala ni P/SSgt. Richard Balinnang, imbestigador ng kaso, ang suspek na si Elmer Ginez, kagawad ng Brgy. Anungu.
Inaresto ang suspek batay sa reklamo ng mga biktimang sina John Kelvin Narag, 29 anyos; Kingpee Lozano; Mark Lozano, 18 anyos; Reynalyn Bermudez, 26 anyos; Rachelle Lozano, 20 anyos; Raquel Lozano, 17 anyos; Ricamae Lozano, 19 anyos; at Myla Lozano, pawang mga residente sa Barangay Liuan, sa naturang bayan.
Nabatid na papatawid ang pamilya sa ilog na sakop ng Brgy. Anungu pauwi sa kanilang bahay dakong 4:30 pm nang pigilan sila ni Ginez dahil umano mga residente sila ng ibang barangay.
Gamit ang isang handgun, dalawang beses pinaputukan ni Ginez ang pamilya habang nasa gitna sila ng ilog.
Agad tumawag ang mga biktima kay Barangay Liuan Captain Esteban Macuring, na siyang humingi ng tulong sa pulisya ng Rizal.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Rizal municipal police station.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola.