1Sambayan kinapos sa inaasahan
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SINABI ko na ito noon at muli ko itong sasabihin: Mabuti ang intensiyon ng 1Sambayan pero sadyang napakahirap ng inaambisyon nito. Hindi ko tinutukoy dito ang kahahantungan ng anim na nominado ng koalisyon para sa tambalang tatapat sa Duterte wrecking train sa E-Day 2022.
Nang una kong marinig ang tungkol sa 1Sambayan noong Marso, natuwa ako sa ideya ng isang bigating koalisyon ng mga demokratikong puwersa na hindi kaalyado ng administrasyon na kayang pag-isahin ang mga makakaliwa at mga konserbatibo upang suportahan ang mga pambato ng nagkakaisang oposisyon na matindi ang laban para makapuwesto sa Malacañang.
Nagawa nitong kumbinsihin ang militante at dating kongresistang si Neri Colmenares at si dating Senador Sonny Trillanes upang kupkupin ang dalawang magkasalungat na paniniwala sa iisang grupo, pero paano naman ang mga pumapagitna sa mga paniniwalang ito?
Sa pagpapangalan nitong Sabado sa anim na nominado para sa “dream tandem” sa pagkapangulo, binigyan tayo ng 1Sambayan convenor na si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ng pinadaling sukatan kung gaano kakitid ang daang tinatahak ng ‘bigating’ koalisyong ito.
* * *
Buo ang respeto ko sa 1Sambayan at sa mga nominado nito. Pero kung pakaiisipin nating mabuti ang tsansang manalo, deretsahan kong sasabihin na may problema sila sa aspektong ito. Ang mga pinangalanan nitong pambato ay kinabibilangan ng dalawang dati nang kumandidato sa pagkapresidente at natalo – ang isa sa kanila ay dalawang beses pang nabigo; ang isa ay hindi nahalal para bise presidente; ang isa pa, nagtagumpay, pero hindi pa sigurado kung mas gusto niyang maging gobernador; ang isa ay hindi man lang makalusot para senador; at ang huli, ang paborito kong aktres, ay hindi pa kailanman sumabak sa national campaign.
Si AJ Carpio ang nagpalutang ng ambisyosong ideya na papag-isahin ang “lahat ng demokratikong puwersa” na tatanggap at susuporta sa magiging pasya ng 1Sambayan kung sino sa mga nominado nito ang aktuwal na kakandidato sa pagkapresidente at bise presidente. At dahil dito, mayroong mga hindi kasapi ng naghaharing partido na hindi makikibahagi sa layunin ng koalisyon na maging bigating oposisyon, gaya ng inaambisyon nito.
Isa-isahin natin sila. Nariyan si Sen. Ping Lacson na, bilang isa sa mga may akda ng Anti-Terrorism Act, ay hindi napabilang sa mga nominado, kaya ang kanyang “partner-in-crime” na si Senate President Tito Sotto ay nalaglag din sa pinagpipilian. Si Sen. Nancy Binay? Hindi siya atat mapabilang sa grupo ng mga taong bumutata sa political career ng kanyang ama. Paano naman si Manila Mayor Isko Moreno? Siya ang taong natuto na sa mga pangakong napako, kaya hindi na siya magpapautong muli sa parehong estratehiya.
At kung pakalilimiing mabuti ang hilera ng mga napipisil na pambato, apat sa kanila ang nagpahayag ng kawalang interes na kumandidato para sa pinakamatataas na posisyon – sina Sen. Grace Poe, Bro. Eddie Villanueva, House Deputy Speaker Vilma Santos-Recto, at Chel Diokno.
Sa totoo lang, gusto ko sanang maging mas makatotohanan ang mga inaambisyon ng oposisyon upang magamit ko naman ang napakahalaga kong isang boto sa paghahalal ng mas matinong administrasyon na mag-aahon sa atin mula sa kasalukuyan nating sitwasyon na pinalala ng pandemya. Nakalulungkot lang na sa ngayon ay hindi ko nakikitang maibibigay ito sa akin ng 1Sambayan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.