IUUTOS kaya ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestohin at ikulong si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat dahil sa paglabag sa CoVid-19 health protocols?
Tanong ito ng ilang political observers matapos sitahin ni Sen. Nancy Binay si Puyat dahil sa umano’y serye ng paglabag sa health protocols kaugnay sa lumabas na Instagram stories ng kalihim kasama ang 6-anyos na si Scarlet Snow Belo sa pag-iikot sa tourism sites sa Bohol.
Sinabi ni Binay, hindi katanggap-tanggap na ang isang kalihim ay pinapayagan mamasyal ang isang 6-anyos bata na walang suot na facemask at face shield sa mga pampublikong lugar at tour sites.
“Allowing a six-year-old child to go around without facemask and face shield in tour sites and public areas, and for a member of Cabinet not practicing basic health protocols is flat out unacceptable,” anang senadora.
Matatandaan noong Setyembre 2019, hinirang ni Puyat si Scarlet bilang PH Tourism Ambassador.
Si Scarlet ay anak ng celebrity couple na sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho.
Sa ilang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People, malimit niyang murahin ang mga mamamayan na lumalabag sa health protocols sanhi ng pagkalat ng CoVid-19.
Noong nakaraang buwan, inatasan niya ang mga pulis na dakpin ang health protocol violators ngunit sa daan-daang libong naaaresto ng mga awtoridad mula noong isang taon, wala ni isang politiko o celebrity ang kanilang nasakote.
Kabilang sa mga naging kontrobersiyal dahil sa umano’y paglabag sa health protocols pero hindi inaresto ay sina dating PNP chief Gen. Debold Sinas, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Presidential Spokesman Harry Roque, at Tim Yap.
(ROSE NOVENARIO)