
Usec, ‘ninong’ ng troll farms – Sen. Lacson

ni ROSE NOVENARIO
ISANG undersecretary ng Malacañang ang nagsisilbing ‘ninong’ para atakehin ang mga kritiko ng administrasyong Duterte at mga posibleng kalaban ng kanyang mga ‘manok’ sa 2022 elections.
Isiniwalat ito ni Sen. Panfilo Lacson base sa natanggap niyang impormasyon mula sa isang dating staff na kinausap ng hindi tinukoy na undersecretary.
“Ngayon pa lang mayroon akong alam na isang high official, sabihin na lang nating undersecretary na nag-o-organize sa buong bansa sa bawat probinsiya. Hinihingian ng quota na mag-organize ng at least dalawang troll (farm) sa isang probinsiya,” ani Lacson.
“You can just imagine if it materializes and using the resources of the government whether or not it was sanctioned by Malacañang. Well, I hope no and I don’t believe so,” sabi ng senador.
Mabilis na dumistansiya ang Palasyo sa rebelasyon ni Lacson at walang indikasyon na iimbestigahan ang isyu sa kabila ng posibilidad na ginagamit ng Usec ang pondo ng gobyerno para sa pamomolitika.
“Wala po kaming alam diyan. Hindi po iyan polisiya ng gobyerno. Kung ginagawa po iyan ng taong gobyerno, siguro ginagawa nila iyan in their personal capacities,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.