Friday , November 15 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Patay nang patay


TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

NOONG Lunes, inaprobahan ng Kamara ang pag-amyenda sa Public Services Act na magpapahintulot ng 100% foreign ownership o pag-aari ng mga banyaga sa mga public utilities tulad ng elektrisidad, tubig, at komunikasyon.

Sumingkit ang mata ko at napamura ako ng Mandarin dahil alam ko na ang kahihinatnan ng legalistikong birada na sa kalaunan ay dehado ang Filipino.

Sa kasalukuyan, ang mga kompanya ng gobyerno tulad ng National Grid Corporation of the Philippines ay nasa 40% na pag-aari ng gobyernong Tsina. Sa ilalim ng Article 12 ng 1987 Constitution, ang foreign ownership ay pinahihintulutan kung 60% ng company shares ay pag-aari ng Filipino. Pero sa amyenda, mawawalan ng saysay ang nakasaad sa Article 12 sa Saligang-Batas.

Sa maikli, mawawalan ng kontrol ang Filipino sa sariling koryente, tubig, telepono, at iba pang serbisyong pang-telekomunikasyon kapag ipinasa ng Senado ang panukalang aprobado na sa Kamara, sa pangatlo at huling pagbasa.

Ngayon, nakararanas tayo ng pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea, nakapapasok sa looban natin ang Tsina sa pamamagitan ng Dito Telecom, napapanahon ang masidhing pagninilay.

Maliwanag ang sinabi ni Roberto Mella Lastica: “There is only one way to describe this latest congressional stunt, treason. Congress tinkering with the prosperity provision of our Constitution is actually raising a giant billboard that says PHILIPPINE OPEN SALE SUBJECT TO CHINESE CONDITIONS. As a policy, privatization is already bad enough as it dispossesses much public revenues by surrendering them into private hands, and opening up the power, transport and communication sectors to full foreign ownership legitimizes Chinese hegemony.”

Malaki ang tiwala ng inyong lingkod sa karunungan ng mga nakaluklok dito at malaki ang tiwala ng sambayanan na sila ay makabayan at hindi papayag sa kataksilan na ipinamalas ng mga ‘Makapili’ ng Mababang Kapulungan. Kaya tandaan natin: ATIN ANG ‘PINAS.

***

MALAKING suliranin ang nararanasan ngayon ng pamahalaan ni Duterte sa nagaganap na pandemya. Pero mas malaki ang kinahaharap nila dahil pinili nilang angkatin ang Sinovac. Naglabas ng vaccine guidelines ang Saudi Arabia. Pinahintulutan na makapasok lamang sa kanila ang nabakunahan ng Pfizer, Moderna, Astra-Zeneca, at Johnson & Johnson. Kung Sinovac, Sputnik, o ibang bakuna ang ibinigay sa iyo, sorry ka.

Kamakailan may nasampolan ng bagong patakaran. Dalawang-daang overseas Filipino workers (OFWs) na palipad sana papuntang Saudi ang pinababa at hind pinahintulutang bumiyahe.

Para makapasok sa KSA, ang mga hindi nabakunahan ng mga nasabing bakuna ay kailangan sumailalin sa 14 araw na kuwarantina na aabot sa P40,000 sariling gastos. Ang Qatar may sariling guidelines din. Kung papasok sa bansa nila, lahat ng arrivals mula sa India, Nepal, Bangladesh, Pakistan, Sri Lanka, at Filipinas, kailangan sumailalim sa 10 araw quarantine sa isang dedicated quarantine facility, or 14   araw imaliban lang kung quarantined dahil sa Mekhaines visa, lalagay ka sa kanilang Mekhaines facility. Ang manggagaling sa Filipinas kailangan sumailalim sa 10 araw, o 14 days kung Mekhaines, at sa Mekhaines facility ang kuwarantina kahit nabakunahan na kontra CoVid-19.

Ang Mekhaines o Mukhaynis ay ang bisadong Qatari na patunay na kasama ka sa isang grupo na papasok sa Quatar.

Sa madaling salita ang lahat ng binanggit ay may kaukulang gastos para sa OFW. Totoong malaking prehuwisiyo ang idinulot ng pandemya sa buhay natin, pero ang maling desisyon ng gobyerno ni Duterte ang nagpadagdag ng bigat sa balikat ng pobreng OFW dahil pinaboran niya ang Sinovac na banned, kahit sa EU.

***

NAPANOOD ko ang CCTV footage ng isang ginang na binaril ng isang pulis, si P/MSgt. Hensie Zinampan, sa Fairview, Quezon City. Nagmula ang alitan dahil sa away ng pulis at ng kapatid ng biktima. Nakunan ng video ng apo ng biktima ang pamamaril sa biktimang si Lilybeth Valdez. Sa naturang video makikitang parating si Zinampan na halatang nakainom at hinarap si Lilybeth. Nagkaroon ng palitan ng salita nang biglang sinabunutan ni Zinampan ang biktima, at binaril sa mukha na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Dito maririnig ang iyak at sigaw ng mga kaanak ni Lilybeth habang naglakad papalayo si Zinampan.

Agad nasakote at inaresto ng CIDG si Zinampan. Ilang araw lang ito, matapos mapatay ang isang 18-anyos na may special needs, at ilang buwan matapos barilin din ng pulis ang isang ginang sa Tarlac. Hindi ako nagtataka kung bakit wala nang tiwala ang tao sa pulis. Karamihan ng mga krimen na nagaganap ay sangkot ang pulis. Pulis ang padrino mga sindikato at kriminal, pulis din ang sangkot sa naglipanang droga sa bansa.

Hindi masisisi ang mga katulad ng dating mambabatas na si Teddy Casiño na nananawagan na buwagin na ang PNP. Pero hindi ito ang solusyon. Kinakailangang baguhin ang sistema ng pagtuturo sa mga baguhang pulis gamit ang bago at modernong sistema. Bukod dito kinakailangan umangkop sa makabagong teknolohiya para mapantayan natin ang sistema ng pagpupulis sa mga makabagong bansa.

Bukod sa panawagan na alisin ang mga dating nakaluklok sa PNP upang hindi malason at madungisan ang organisasyon, kailangan bumalik ang pagiging makatao at mapagkumbaba, at makatarungan na ‘Mamang Pulis.’ Nangako ang kasalukuyang C/PNP Guillermo Eleazar na lilinisin niya ang PNP, pero sa pananaw ng madla ito ay isa na namang “lip service.”

Sa pananaw ko, kung aasa tayo sa mga pulis na nandi­yan ngayon sa ka­tung­kulan, mag­ka­karoon pa rin ng pulis na patay nang patay ng mga inosente at walang kalaban-laban.

[email protected]

About Mackoy Villaroman

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *