Sunday , December 22 2024

VFA extension wish ni Biden

UMAASA si US President Joe Biden na makahaharap nang personal si Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre sa idaraos na ASEAN-US meeting sa Brunei.
 
Sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Filipinas at Amerika, sinabi ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel “Babe” Romualdez, umaasa ang Amerika na mapalalawig ang Visiting Forces Agreement (VFA).
 
“Sumulat na nga si President Biden kay President Duterte not only for the occasion of the 75th anniversary, but also to inform him of how strongly the relationship between the United States and the Philippines would continue, and that he hopes he will be able to meet in person with the President at some point in time,” sabi niya sa Malacañang virtual press briefing kahapon.
 
“Maraming mga pangyayari na lumalabas naman na talagang for the United States, the Philippines is still an important ally, and they would like to keep that,” giit ni Romualdez.
 
Tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinag-aaralan mabuti ni Pangulong Duterte ang usapin.
 
“The President has been pondering on the issue and has a bigger framework of analysis, and let’s just await his decision because he is the only one who can decide on this matter,” sabi ni Roque.
 
Para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, dapat manatili ang VFA dahil nakatutulong ito sa pagpapalakas ng kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglahok sa annual joint training exercises.
 
Ilang political observer ang nakapuna sa paiba-ibang tono ng Pangulo sa kanyang foreign policy partikular sa relasyon sa Amerika.
 
Noong nakalipas na Pebrero ay inihayag ni Pangulong Duterte na dapat magbayad ang US sa Filipinas kung nais palawigin ang VFA.
 
Habang noong Marso 2021 ay nagbanta ang Pangulo sa US na kakanselahin ang VFA kapag napatunayan niyang may armas nukleyar na itinago sa Filipinas.
 
Ang nuclear arms ang pangatlong rason na ibinigay ng Pangulo para wakasan ang VFA, una ay nang kanselahin ng US Embassy noong 2020 ang visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa masamang human rights record nito bunsod ng drug war at ang ikalawa ay noong Disyembre 2020, kapag nabigo ang US na ihanda ang 20 milyong doses ng bakuna contra CoVid-19 para sa bansa
 
Noong Nobyembre 2017 ay ipinagmalaki ni Duterte na alas ng Filipinas ang Palawan kontra sa lumalakas na presensiyang militar ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).
 
Ipinagyabang ng Pangulo, hindi kayang palubugin ng China ang isang isla ngunit ang Filipinas ay may kapabilidad na pasabugin ang mga estrukturang militar o mga sasakyan.
 
Batay sa EDCA, puwedeng gamitin ng Amerika ang Antonio Bautista air base sa kanlurang bahagi ng Palawan malapit sa WPS.
 
Pero wala pang tatlong buwan sa Palasyo noong 2016 ay naglunsad si Duterte ng diplomatic offensive at sinabing hindi muna igigiit ng Filipinas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na sakop ng
200-mile exclusive economic zone ang mga inaangking teritoryo ng Beijing sa South China Sea upang makasungkit ng diplomatic at economic concession mula sa China.
 
Iginiit niyang didistansiya sa US, ipinatigil ang paglahok ng Filipinas sa US Navy sa pagpapatrolya sa South China Sea upang hindi mainis ang China.
 
Sinabi rin niya na gusto niyang palayasin sa Mindanao ang US Special Forces na sumusuporta sa counter-terrorism operations ng AFP.
 
Sa isang taon nalalabi sa kanyang termino, umid pa rin ang dila ni Duterte laban sa China kahit wala pang limang porsiyento ng ipinangako ng Bejing na US 234 bilyong loans at investment sa bansa ang natupad. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *