ni ROSE NOVENARIO
KINAMPIHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang itinakdang executive council meeting ng ruling political party PDP-Laban sa kabila ng pagkontra ni acting president Senator Manny Pacquiao.
Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na inatasan ni Pangulong Duterte, bilang chairman ng PDP – Laban, si Energy Secretary Alfonso Cusi, vice chairman ng partido, na iorganisa at pangunahan ang pagdaraos ng council meeting.
“Energy Secretary Alfonso Cusi as Vice Chairman of the ruling party PDP-Laban was directed by President Rodrigo Roa Duterte, who serves as Chairman, to organize, convene and preside over the council meeting,” ayon kay Roque.
“This move, which is part of the democratic exercise, aims to consult party members and have fruitful and productive exchanges on issues affecting PDP-Laban,” dagdag niya.
Ilang political observers ang nagulat sa pahayag ng Pangulo lalo na’t ilang araw pa lamang ang nakalipas mula nang sabihin ni Cusi na rerepasohin ng Department of Energy (DOE) ang kontrata sa pagbili ni Duterte crony at Davao City based businessman Dennis Uy sa 45% shares ng Shell Philippines Exploration (SPEX) para sa operating interest ng Malampaya Gas Field sa Palawan.
Kapag pumasa sa review ng DOE ang kontrata ay magiging hawak ng Udena Corporation ni Uy ang 90% operating interest sa Malampaya, 45% stake ng SPEX at 45% interest ng Chevron Malampaya LLC’s sa gas field na binili ng negosyante noong 2019.
Kaugnay nito, nagpasya si Pacquiao na iboykot ang pulong ngayon at magpapatawag ng hiwalay na council meeting sa Setyembre, sabi ni Ron Munsayac na tagapagsalita ng senador.
Nauna rito, naglabas ng memorandum si Pacquiao na inutusan ang mga miyembro ng PDP-Laban na balewalain ang ipinatawag na national assembly ni Cusi ngayon.
Noong nakaraang Marso ay kinastigo ni Pacquiao si Cusi sa paghahati sa partido nang isulong ang pagtakbo ni Pangulong Duterte bilang bise-presidente sa 2022 national elections.