KAKAILANGANIN ang pondo sa pagsusulong ng pag-aaral para sa naimbentong oral CoVid-19 vaccine ng isang klerikong Filipino na nakabase sa Amerika.
Inihayag ni Department of Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ang Chairperson ng National Vaccination Operation Center, suportado ng Department of Health (DOH) ang isang abot-kayang halagang yeast-based oral CoVid-19 vaccine na natuklasan ni Father Nicanor Austriaco ngunit kailangang ito’y mapondohan.
“Kagaya iyan ng ating polio vaccine na naging oral polio. Kung mas epektibo at mas convenient, we will support. But in terms of the study, baka hindi natin kakayanin na pondohan, so we may need to confirm and look at the data or any studies that are being done outside of the country. While we have clinical trials, kailangan din ng pondo for this study,” ani Cabotaje sa Laging Handa public briefing kahapon.
Sa ulat ng News Explained sa Radyo Singko, si Austriaco ay isang Fil-Am Dominican priest, tanyag na mictobiologist, summa cum laude sa BioEngineering sa University of Pennsylvania, may doctorate degree sa Biology sa Massachusetts Institute of Technology, professor sa Biology sa Providence College sa Rhode Island, USA na may laboratory na pinopondohan ng National Institute of Health.
Noong Biyernes, 21 Mayo 2021, o matapos ang mahigit tatlong buwan na pagsasaliksik ay nabuo ng grupo ni Austriaco ang kauna-unahang experimental yeast vaccine sa Rhode Island.
Ang yeast-based vaccine ay ginawa mula sa yeast, isang single-celled fungus na ginagamit upang umalsa ang tinapay at sa paggawa ng beer.
Nagbuo ang grupo ni Fr. Nick ng genetically engineered cell, ang saccharomyces boulardii yeast para gayahin ang spike protein ng SARS-COV 2 at kapag ininom ang yeast cell na ito’y iisipin ng katawan ng tao na CoVid-19 ang pumasok kaya’t magti-trigger ito ng immune response at ito na ang kanyang immunity.
Ang yeast-based oral CoVid-19 vaccine ay isang tableta na maaaring ihalo sa tubig, gatas o maging sa beer, hindi na kailangan ng refrigeration, puwedeng ibulsa at hindi masisira hanggang dalawang taon.
Higit sa lahat, abot kaya ang presyo nito na aabot lamang mula P30 hanggang P50.
Ngayong linggo ay ipadadala ng mga estudyante ni Austriaco ang yeast vaccine sa kanya, dito sa Maynila, kung saan nagtatayo ng molecular laboratory sa isang Katolikong unibersidad.
Ang susunod na hakbang ay magsasagawa ng laboratory test sa mga daga para tingnan kung magkakaroon sila ng immune response sa oral vaccine at kapag nagtagumpay ay umaasa si Austriaco ng human trials bago matapos ang taon.
Kahit magkaroon ng herd immunity sa panahong iyon ay maaari pa rin gamitin ang bakuna ni Austriaco bilang booster shots para sa mga susunod na taon.
“Kung mapapansin natin, at the beginning of the year we were not very sure na magkakaroon ng bakuna pero ang bilis ng ating pag-develop ng vaccines. So, now they are even talking about boosters, they are now talking about addressing the variants. Who knows kung puwede iyong oral instead na injectable, we will support basta scientific and passed all the requirements for a clinical trial and then kailangan din ng tinatawag nating – since wala pa siyang Certificate of Product Registration (CPR) at least Emergency Use Authorization,” paliwanag ni Cabotaje. (ROSE NOVENARIO)
Check Also
Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL
IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …
Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado
SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …
Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC
BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …
Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP
NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …
Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY
PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …