MISTULANG CoVid-19 na ‘nanganak’ ng bagong variant ang “Talk to the People” ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi nang maging panauhin si dating Sen. Juan Ponce-Enrile na katono niya sa pagpuri sa China gayondin sa pagkondena sa Amerika.
Ngunit napurnada ang inaasahang pagbubulgar ni Enrile ng “Brady notes” nang sabihin niyang nawawala sa kanyang files ang kontrobersiyal na dokumento.
Ang tinatawag na “Brady’s notes” ay ibinunyag ni Enrile sa kanyang privilege speech sa Senado noong Setyembre 2012 matapos makasagutan si Senador Antonio Trillanes IV.
Sa naturang dokumento, idinedetalye umano ni Philippine Ambassador to China Sonia Brady ang naging pagpunta ni Trillanes sa China para sa backdoor negotiation kaugnay ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Inihayag ni Enrile na binigyan siya ng kopya ng Brady notes ni noo’y Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
“Ngayon, nasaan na ‘yong sulat naman ni Brady? Dahil binigyan ako ni Del Rosario ng kopya, nawala lang — marami kasi akong record, wala na akong panahon na tumingin doon sa aking mag — maghalungkat doon sa aking mga records. Enasa kanya ‘yon, copy lang ‘yong — ‘ong binigay sa akin e. O, bakit wala sa Department of Foreign Affairs ‘yong kasulatan na ‘yon? Dapat nandoon ‘on,” paiwanag ni Enrile kay Duterte sa Talk to the People.
Parehong kinuwestiyon nina Duterte at Enrile ang naging designasyon ni Trillanes bilang backchannel negotiator ng administrasyong Aquino sa Beijing.
“The mystery, Mr. President, to me was: Why Trillanes and not someone else? Of the senators who were incumbent at the time, why was Trillanes selected as the negotiator for Aquino? And where did Trillanes get the influence over some authorities in Beijing in those days? That is the puzzle to me,”ani Enrile.
Iginiit ni Pangulong Duterte na dapat ay magpaliwanag si Trillanes ilang backchannel negotiator ay 16 beses siyang bumisita sa China at sa huling pagpunta niya ay nawala umano sa Filipinas at napunta sa Beijing ang Scarborough Shoal.
Naniniwala si Enrile na ‘naonse’ ang Filipinas nang umatras ang Philippine Navy ship mula sa standoff sa Scarbourough Shoal batay sa kasunduan na namagitan ang Amerika ngunit ang China ay nanatili sa area.
“Tayo ang naonse pero ‘yong namagitan between the Philippines and China ay hindi naman man lang niya sinabihan ‘yong Tsina na, hoy, tuparin mo naman ‘yong kasunduan sapagkat ‘yong Filipinas e sumunod e. Bakit hindi ka sumusunod? Wala e, walang nangyaring ganoon e,” wika ni Enrile.
Paliwanag niya, base sa mga pahayag ng mga dating opisyal ng Amerika sa kanya ay hindi magagamit ang Mutual Defense Treaty sa isyu ng South China Sea.
Iminungkahi niya, kung gustong baguhin ang Mutual Defense Treaty ay gayahin ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na may awtomatikong aksiyon ang US kapag nagkaroon ng problema ang Filipinas sa mga karatig na bansa.
Ginawa ni Enrile ang suhestiyon sa kabila ng paulit-ulit na pagbatikos niya sa hindi patas na pakikitungo ng Amerika sa Filipinas.
Pinayohan ni Enrile si Pangulong Duterte na ituloy ang pakikipagmabutihan sa China at huwag intindihin ang mga kritisismo.
“Only history will judge you. And I think that history will judge you very well. If I were in your place I would have — I would have done the same thing. What else can a president of this country do under our present national circumstance?”
“You can shout, you can beat your breast, you can raise your fist. Without any backup, it’s just — that is just noise,” ani Enrile.
Matatandaan sa kasagsagan ng EDSA People Power Revolution noong 1986 ay nakialam ang US upang hindi dumanak ang dugo at inilikas ang pamilya Marcos mula Malacañang patungong Hawaii.
Dahil dito, naging ‘buhay na bayani’ ng EDSA Revolution sina noo’y Defense Secretary Enrile at PC-INP chief Fidel Ramos at nailuklok ang revolutionary government ni Pangulong Cory Aquino. (ROSE NOVENARIO)
Check Also
Tulfo una sa bagong survey
NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …
Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado
INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …
Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG
SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …
Apela ni Kiko
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN
MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …
Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon
ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …