ni ROSE NOVENARIO
UNTI-UNTING nasisimot ang pondo ng ilang tanggapan sa Malacañang dahil kailangan magbayad nang malaki sa pay parking bunsod ng pagbabawal na makapasok ang mga sasakyan na hindi pula ang plaka o government plate number.
Ayon sa source, nagsimula ang implementasyon ng naturang patakaran noong Marso 2021 nang ipatupad ang sariling radio frequency identification (RFID) ng Office of the President sa lahat ng gate sa Malacañang.
“Kahit opisyal ng gobyerno o service vehicle ng pamahalaan ay hindi makapapasok kung hindi pula ang plaka ng sasakyan kaya kailangang iparada sa parking na may bayad ang kanilang sasakyan,” sabi ng source.
Ang masaklap umano, pati ang mga sasakyan na may mga kagamitan o equipment ng pamahalaan na sensitibo at malaki ang halaga ay kailangan iparada sa pay parking na secured para siguradong hindi mananakaw o masisira,” anang source.
Inihalimbawa ng source ang mga van ng Radio Television Malacanang (RTVM) na fully equipped ng mamahaling gamit sa live coverage ng presidential events ay hindi pinayagang iparada sa loob ng Malacañang o sa harap ng gusali RTVM.
Dahil umano sa direktiba ng Office of the President (OP), kailangang gumasta ang RTVM ng mahigit P.1 milyon o P100,000 pambayad sa pay parking ng kanilang mga sasakyan.
Butas din ang bulsa ng ilang opisyal at empleyado sa Palasyo sa pagbabayad sa pribadong parking area.
“Sa halip na makatipid ang gobyerno sa panahon ng pandemya, nadagdagan pa ng malaking gastos dahil sa kapritso ng OP,” anang source.
Nang tanungin ang layunin ng OP sa “No RFID, No Entry,” ikinatuwiran umano ng isang undersecretary na ito’y para mapanatili ang “solemnity” ng Palace grounds.
“Hindi naman Vatican ang Malacañang Complex para panatilihin ang “solemnity,” giit ng source.
Napag-alaman na kahit noong umiiral ang martial law ng rehimeng Marcos, kahit ilang beses tinangkang pabagsakin ng kudeta ang gobyernong Cory Aquino at kahit sinugod ng Estrada loyalists ang Malacañang noong administrasyong Arroyo, hindi nagpatupad ng kagayang patakaran sa Malacañang Complex.