Sunday , December 22 2024

NEA chief kinasuhan ng PACC (Partylist group pinondohan ng pera ng bayan)

ni ROSE NOVENARIO
 
SINAMPAHAN ng kaso ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) si National Electrification Administration (NEA) Administrator Edgardo Masongsong dahil sa pagbalewala sa paggamit ng pondo ng bayan para tustusan ang kampanya ng isang partylist group.
 
Ayon kay PACC chairperson Greco Belgica, naghain online ang PACC ng kaso laban kay Masongsong.
 
Batay sa resulta ng imbestigasyon ng PACC, natuklasan na hindi tumutol si Masongsong sa patuloy na pagbibigay ng suportang pinansiyal ng mga electric cooperative sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) party-list.
 
“Ang ending po ay contribution ng mga electric cooperative sa ibat’ ibang partylist gaya ng Philreca. Sa amin pong pagsisiyasat, napatunayan namin na there is a probable cause na puwedeng tingnan ng Ombudsman at siya (Masongsong) ay litisin,” ani Belgica sa Laging Handa public briefing kahapon.
 
Itinatag ang NEA, isang state corporation, noong 4 Agosto 1969 sa bisa ng Republic Act 6038, sa pakikipagtambalan sa 121 electric cooperatives.
 
Tungkulin ng NEA na magbigay ng “financial, institutional, and technical services” sa mga electric cooperative upang maging mas episyente, maaasahan, at globally competitive.
 
Ang Philreca, ang umbrella organization ng 121 electric cooperative sa buong bansa, ay tumanggap ng financial assistance mula sa kanila upang tustusan ang kampanya ng partylist group nito, sabi ni Belgica.
 
Dahil dito, giit ni Belgica, nilabag ni Masongsong ang Republic Act (RA) 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act and the Omnibus Election Code of the Philippines.
 
“Si Mr. Masongsong ay lumabag sa mga batas, kabilang ang RA 3019 at Omnibus Election Code dahil ipinagbabawal po ng batas na mag-ambag o mag-contribute ng pondo para sa kampanya ng isang kandidato or party-list ang isang public utility or gamitin ang government funds para sa ganitong pamamaraan,” aniya.
 
Tiniyak ni Belgica, isusumite ang mga nakalap na ebidensiya laban kay Masongsong sa Ombudsman kapag bumalik na ang operasyon nito.
 
“Ito ay pagpapatunay, hindi po titigil ang ating kampanya laban sa korupsiyon, na ipinatutupad natin,” ani Belgica.
 
Noong Abril 2019, hinimok ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore) ang Commission on Elections (Comelec) na kanselahin ang registration ng Philreca party-list dahil sa pagtanggap ng campaign funds mula sa electric cooperatives na umabot sa P10 milyon.
 
Kabilang sa inilakip na ebidensiya ng Nasecore sa inihaing petisyon sa Comelec ang isang tseke, deposit slips, at board resolutions na nagpapatunay na nagbigay ng milyones ang mga electric cooperative sa Philreca.
 
Binigyan umano ng financial aid ng mga electric cooperative ang Philreca “in support of political undertakings of the party-list representative by Philreca; for [the] legislative endeavor of the Philreca Advocacy Fund; campaign fund for Philreca party-list to support the advocacies and legislative endeavor, and requesting the approval for the supplemental budget of the said campaign fund.”

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *