MAGING maingat sa mga kandidatong ginagawang biro ang mga seryosong pambansang isyu.
Babala ito ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr., kasunod ng pagtawag na ‘tanga’ ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes sa mga naniwala sa kanyang ‘biro’ na siya ay sasakay ng jet ski patungong West Philippine Sea (WPS) para ‘itindig’ ang watawat ng Filipinas, na sinabi niya noong presidential debate noong 2016 elections.
“Lesson for young voters: Be wary of candidates making ‘jokes’ about serious issues such as national sovereignty, just so they can get elected,” sabi ni Reyes sa isang Twitter post.
“Mag-ingat sa mga ‘swindler’ at mangga-gancho tuwing halalan,”dagdag niya.
Ang pagtawag aniya ni Duterte na ‘tanga’ sa mga naniwala sa kanyang biro ay malinaw na indikasyon na nagpalusot lamang sa kawalang aksiyon at pagkatuta ng Punong Ehekutibo sa China.
“Tinawag ni Duterte na ‘tanga’ ang mga naniwala na mag-jetski sya sa Spratly’s para itindig doon ang bandera ng Filipinas. Bale tinawag niyang tanga ang mga supporters niya, para lamang magpalusot sa kanyang kawalang aksiyon at nakasusukang pagkatuta sa China,” ani Reyes.
Labing anim na milyong Pinoy ang nagoyo ni Pangulong Duterte sa kanyang kuwentong barbero na sasakay siya sa jet ski patungong Spratlys upang ipakita sa China na paninindigan niya ang pagmamay-ari ng Filipinas sa WPS na kinakamkam ng Beijing. (ROSE NOVENARIO)