Saturday , November 16 2024

Serye-Exclusive: Fair trial para sa DV Boer ‘victims’ tiniyak ng DoJ

MAKATUTULOG na kaya nang mahimbing ang mga naghain ng reklamo laban sa DV Boer Farm Inc. ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin?
 
Tiniyak kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra, isasailalim sa patas na imbestigasyon at paglilitis ang mga reklamo laban sa DV Boer agricultural investment scheme batay sa merito at hindi sa impluwensiya ng kung sino.
 
Kinokonsolida na aniya ng DOJ ang lahat ng inihaing reklamo sa iba’t ibang bahagi ng bansa laban sa DV Boer upang maiwasan ang magkakaibang resolusyon.
 
“The DOJ will resolve these cases solely on the basis of the evidence presented and no other,” sabi ni Guevarra sa media kahapon bilang tugon sa ulat na may ipinagmamalaking koneksiyon sa kagawaran ang sangkot sa reklamo.
 
Sa mismong Facebook page ng DV Boer ay walang nakukuhang sagot ang ilang investor kung kailan makukuha ang ipinangakong payout sa kanila ng kompanya, dalawang taon makalipas maglagak ng puhunan sa Pa-Iwi program ng kompanya.
 
“Hello po pakibasa naman po message ko sa messenger n’yo…hanggang ngayon wala pa rin po ‘yun principal at kinita ng ini-invest ko po sa rabbit n’yo. Last 2019 pa ako nag-invest sa inyo pero wala po akong natatanggap man lang na tawag, email or txt kung ano na nangyari sa ini-invest ko sa inyo. Ilan beses na ako nag-message at hindi maka-contact sa office n’yo,” sabi ni Salarette M. Selle.
 
“Sana po ma-release na ang payout, 2 years na and hindi po kayo nagre-reply sa mga follow up,” ayon kay John Mark Reyes.
 
Magugunitang sa inilabas na resolution ng Office of the Prosecutor ng Candon City, Ilocos Sur ay inirekomendang sampahan ng kasong syndicated estafa si Villamin at apat pang kasabwat.
 
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong inihain ni Jayson Molina, isang overseas Filipino worker (OFW) na nakabase sa Singapore, naglagak ng P6.55 milyon sa DV Boer para sa umano’y 30 percent per annum na return on investment.
 
Ayon kay Molina, inalok siya ni Villamin noong 2017 na mamuhunan sa isang sub-farm scheme katulad ng kanyang DV Boer Farm sa Barangay Balibago, Lian, Batangas.
 
Nakombinsi ni Villamin si Molina kaya’t noong 2017 at 2018 ay nag-remit ng milyones ang OFW para sa DV Boer Farm.
 
Lumaki aniya ang halaga dahil nagpatong-patong ang presyo ng mga bagong programa na pinasali siya sa katuwirang standard procedure ito para sa sub-farms o paiwi system.
 
Batay sa resolution ni National Prosecution Service Assistant City Prosecutor Windel Almoite Basabas, inirekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Villamin, Lovely Corpuz, Krizza Aguilar, Joselyn Villamin, at Rosalyn Alvarez-Casihan sa Regional Trial Court ng Candon City, Ilocos Sur.
 
Ayon kay Basabas, malinaw na may “false representation as to the business of the corporation” at ang kontrata ay nilagdaan upang bigyan ng legal na anyo ang isang “web of illegal schemes of the respondents to extract funds from innocent investors.”
 
Nabatid na si Joselyn ay ina ni Dexter, si Krizza ang dating vice president for operations ng DV Boer, si Lovely ay girlfriend umano ni Dexter at si Alvarez ang finance officer ng kompanya. (May Karugtong)

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *