ni ROSE NOVENARIO
MAY posibilidad na maidiin sa paglabag sa Anti Terrorism Act (ATA) ang mga promotor at donors ng community pantry at iba pang charity works maging ang mga isinusulong ng Simbahan.
Inihayag ito sa ikalimang oral arguments sa Supreme Court nitong Martes, 27 Abril, kaugnay sa constitutionality ng ATA ni Assistant Solicitor General Raymund Rigodon nang usisain ni Associate Justice Rosmari Carandang ang hinggil sa pag-uugnay ng gobyerno sa New People’s Army (NPA) sa mga promotor ng community pantry gayong may mabubuti silang puso na tumutulong sa kapwa.
Paliwanag ni Rigodon, alinsunod sa ATA, ang sinoman na nagbibigay ng suportang materyal ay dapat alam kung ang tinutulungan niyang grupo o indibidwal ay sangkot sa terorismo o nagsusulong ng terorismo.
Ilang humanitarian organization ang kasama sa mga grupong kumuwestiyon sa ATA sa Korte Suprema sa pangambang ang kanilang mga adbokasiya at ayudang inihahatid sa mga liblib na lugar ng bansa ay mabansagang material support sa mga terorista sa ilalim ng Section 12 ng batas,
Ani Rigodon, kailangan alam ng donor kung ang organisasyon o taong tinutulungan niya ay sabit sa terorismo.
Nakasaad aniya sa Section 13 ng batas na exempted sa Section 12 ang humanitarian activities ng International Committee of the Red Cross, Philippine Red Cross at iba pang state-recognized humanitarian partners.
“Therefore, if it’s not recognized by the state, there is possibility that this humanitarian assistance may be considered material support,” ani Rigodon.
Tinanong ni Carandang si Rigodon kung maging ang Simbahan na nagkakawanggawa at nagbibigay ng kontribusyon sa mga tao ay puwede rin sampahan ng kasong paglabag sa ATA.
Tiniyak ni Rigodon na hindi sasampahan ng kaso ng ATA kapag hindi tukoy na terrorist organization o individual ang tutulungan ng Simbahan at iba pang charity groups.
Matatandaan naging mainit na isyu ang red-tagging nina NTF-ELCAC spokespersons Lt. General Antonio Parlade, Jr., at Communications Undersecretary Lorraine Badoy kay Ana Patricia Non, ang promotor ng community pantry movement.
Inulan ng batikos ang red-tagging kay Non at maging mga senador ay umalma at nagbabala na tatanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at hiniling na sibakin si Parlade sa task force.
Isasalang sa susunod na oral arguments si National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., upang sagutin ang usapin kaugnay ng community pantry sa terorismo.
Check Also
Tulfo una sa bagong survey
NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …
Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado
INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …
Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG
SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …
Apela ni Kiko
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN
MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …
Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon
ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …