TIMBOG ang tatlo katao sa pag-iisyu ng pekeng Reverse-Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kapalit ng P1,500 sa entrapment operation ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD), sa isang medical clinic, sa Las Piñas City, nitong Martes.
Kinilala ang mga suspek na sina Frederick Jude Seña, 46 anyos, radio technician, residente sa Brgy.. Talon 1, Las Piñas City; Janice Dasco, 35, cashier, ng Sabang, Naic, Cavite; at Gabriela Dimaano, 21, clerk, ng San Nicolas, Bacoor, Cavite.
Napag-alaman, matapos makakuha ng pekeng RT-PCR test, isinailalim sa validation saka isinagawa ang joint operation ng mga tauhan ng Intelligence Operatives ng District Mobile Force Battalion at District Intelligence Division, dakong 4:00 pm nitong Martes, 20 Abril sa Janric Medical Clinic, dating VMK Medical Clinic, na matatagpuan sa Real St., Alabang-Zapote Road, Talon 1, Las Piñas.
Nakompiska mula sa klinika ang mga edidensiya kabilang ang RT-PCR tests results na may mga pangalan ng pasyenteng sina Ireneo Custodio, Jr., at Joey Tecson, at apat na RT results na may mga pangalang Esminda Biag, may petsang 3/20/2021; Morelos Carl Jerome na may petsang 4/10/2021; Razel Relon 4/14/21; at Gerardo Lacanialo 1/7/2021.
Nakuha ang Certification of Registration, DTI Certificate, Business License, at Mayor’s Permit na nakapangalan kay Janice Dasco.
Narekober rin ang disposable lighter at isang aluminum foiled na nakarolyo, improvised glass tooter na may bahid ng hinihinalang shabu sa suspek na si Frederick Sena.
Kasong Falsification of Public Documents at karagdagang paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) Section 12 ng (Illegal Possession of Drug Paraphernalia) ang kakaharapin ni Sena.
Ayon kay SPD director P/BGen. Eliseo Cruz, alinsunod sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), mas paiigtingin ang pagtugis sa mga taong nagpoprodyus ng mga pekeng RT-PCR test results.
(JAJA GARCIA)