ni ROSE NOVENARIO
NANGAKO si Health Secretary Francisco Duque III na kakalampagin ang Department of Budget and Management (DBM) para ilabas ang P16-bilyong budget na pambayad sa mga naantalang benepisyo ng health workers sa tatlong oras na dialogue sa tatlong malalaking unyon ng medical frontliners sa bansa noong Lunes.
Ang virtual dialogue ay naganap batay sa liham ng Office of the President sa DOH nang iendoso ang liham ng Alliance of Health Workers (AHW) para sa kahilingan ng health workers na makipag-dialogue kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nangako ang DOH sa pangunguna ni Secretary Duque na i-follow up nila sa Department of Budget and Management (DBM) ang request nilang P16 bilyon para sa agarang release ng mga benepisyo sa manggagawang pangkalusugan,” ayon sa kalatas ng AHW.
Nangako rin ang DOH na susulat si Duque sa Office of the President upang humingi ng basbas para gawing allowance, cash or voucher ang bayarin sa reimbursement ng ilang benepisyo ng health workers mula Setyembre hanggang Disyembre 2020.
Hihilingin umano ni Duque sa DBM na madaliin ang paglabas ng kanilang Performance Based Bonus (PBB) mula 2018 at 2019.
Maglalabas ng department circular ang DOH para ilinaw na dapat may hazard pay ang lahat ng mga manggagawang pangkalusugan na naka-work from home at clarification para sa mga health workers na naka-quarantine at isolate.
Hinggil sa problema sa kakulangan ng PPE, gloves, facemasks at faceshileds, itinuro ni Duque ang responsibilidad ng pagkakaloob nito sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.
Kaugnay sa pagpuno sa 13,58 bakanteng plantilla positions, tugon ng DOH, titingnan muna ano ang magagawa nila dahil hindi nila hawak ang plantilla ng bawat ospital kaya’t contractual basis muna ang hiring.
Sinuportahan ni Duque ang pag-alma ng AHW laban sa red-tag o pag-uugnay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa kanilang organisasyon sa komunistang grupo.
Tugon ni DOH Secretary Duque, ipaparating niya kay Pangulong Duterte ang usapin ng red-tagging sa health workers.
Pahayag ni Secretary Duque, “dapat hindi nire-red-tag ang mga manggagawang pangkalusugan.”
Aniya, malaki ang tsansa na mapagbigyan ng DBM ang hirit na gawing Salary Grade 16 ang mga dating Nurse 2 na-demote sa Nurse I at ibabalik na rin ang dating na-demote na Nurse 7.
“Hindi natatapos ang lahat ng ito sa dialogue lang. Dapat ay maging mapagbantay tayo at ibalik sa dati para maisakatuparan ang mga pangako ni DOH Sec. Duque, kasabay ng pagtutuloy-tuloy ng ating nakahanay na mga aktibidad bilang build-up sa ating malaking pagkilos sa Mayo 7 – “Araw ng Manggagawang Pangkalusugan o Health Workers’ Day,” anang AHW.