ISANG desperadong hakbang ang pag-uugnay sa kanya sa komunistang grupo o red-tagging, ayon kay Anna Patricia “Patreng” Non, ang promotor ng ‘Community Pantry movement.”
Sa panayam kay Patreng sa The Chiefs sa One News kagabi, sinabi niyang masyadong desperadong hakbang ang kumalat na video sa social media account ng Duterte Diehard Supporters (DDS) na isang Lady “Ka Shane” Miranda, tinukoy siya bilang dating miyembro ng komunistang grupo sa Central Luzon.
“Nakatatawa, ayoko seryosohin, very desperate, saan naman hinugot si ate? Hindi kita kilala, ‘Te,” ani Patreng.
Nauna rito’y inamin ni Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., tagapagslita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagsasagawa siya ng background check sa mga sangkot sa community pantry kahit itinanggi nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas na wala silang direktiba sa pulisya na isailalim sa profiling ang mga nasa likod ng community pantry.
Tinawag na fake news ni Patreng ang mga pahayag ni Parlade na may ibang nakapaskil na laban sa gobyerno sa community pantry sa Maginhawa St., Teachers Village, Quezon City, na wala sa iba.
Binuweltahan din niya ang heneral nang ikompara siya kay Satanas na nagbigay ng mansanas kay Eva kaya nagsimula ang kasalanan sa sanlibutan.
“Ikinompara niya ako kay Satan, sa akin wala po akong pakialam, hindi naman totoo pero dine-discredit din n’ya ‘yung mga taong nag-effort dito. ‘Wag naman pong ganoon kasi kawawa naman ang mga tumulong sa likod nito,” giit ni Patreng.
Sinabi rin ni Parlade na walang dapat ikatakot si Patreng sa background check ng NTF-ELCAC kung wala siyang itinatago.
Tugon ni Patreng, “Ang sagot ko, bakit nila ako tinatakot kung wala akong ginagawang masama?”
Ilang beses aniyang ipinagtatanong ng mga pulis ang kanyang contact number, anong organisasyon ang kinaaaniban, civil status, address, sinong kasama sa bahay kaya nagpasya siyang itigil ang operasyon ng kanyang community pantry noong Martes.
Tiniyak aniya ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na suportado ang community pantry kaya’t kahit may seryosong banta sa kanyang seguridad ay itinuloy niya ang pamamahagi ng pagkain simula kahapon.
“Siyempre po may takot po sa akin, hindi mawawala ‘yun. Pero kasi kapag may nangyaring masama sa akin, paano na po ‘yung iba po? Ano ba naman ‘yung threats na ‘yun, pagkain lang naman ang hawak ko rito,” wika ni Patreng.
Mahigit isang linggo na ang nakalipas nang simulan ni Patreng ang community pantry na nagmistulang kilusan ng pagkakawanggawa na umabot na sa mahigit 300 sa buong Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)