ni ROSE NOVENARIO
MAAARING makialam ang mga awtoridad sa community pantry kapag may mga paglabag sa minimum health protocols gaya ng social distancing, ayon sa Palasyo.
“Depende po kung mayroong pangangailangan dahil panahon po ng pandemya. Kung magiging dahilan naman po iyan ng pagkukumpol-kumpol, siyempre po iyong mga lokal na pamahalaan baka kinakailangan manghimasok. Just to make sure na safe ang lahat,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa posibleng presensiya ng mga pulis sa mga community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kahapon, iniulat ng organizer ng community pantry sa Pandacan, Maynila, ang harassment na ginawa sa kanyan ng mga pulis mula sa Manila Police District (MPD).
Nag-viral ang Facebook post ni Marikit Arellano na nagsalaysay sa pagpunta sa kanilang community pantry ng mga pulis-Maynila na kinilala niya bilang “Police Officer Echaluce at Sir Lacson” at nag-usisa kung anong organisasyon ang kanyang kinaaniban kasunod nito ay may pinapipirmahan sa kanyang form mula sa Joint Industrial Peace Concerns Office (JIPCO).
Ang JIPCO ay isang community relations program ng Philippine National Police sa pakikipagtulungan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa Central Luzon kaya’t nagtaka ang ilang netizens paano ito nakarating sa Pandacan.
Ayon sa FB post ni Arellano, “Story: Police Officer Echaluce at Sir Lacson. Nagtanong po sila sino nagtayo ng Pandacan community pantry at kaninong ideya.
“Sinagot po namin ang kanilang tanong, actually ‘yung brother ko ang gustong magtayo ng community pantry dahil sa nakita niyang nagkalat ang community pantry sa FB at gustong makatulong sa mga nangangailangan at pinuri ng mga pulis ang initiative namin.
“Tinanong din po kami kung may mga organisasyon daw ba kami o anong organisasyon namin. Sagot namin ay wala. May form silang pina fill-up-an, tinanong ko po kung para saan ito.
“Ayon po kay Officer Enchaluce ito raw po ay basic info para sa mga nagtatayo ng community pantry . Pinicturan din po pala kami,” salaysay ni Arellano sa kanyang Facebook account.
Nauna rito’y ikinuwento ni Arellano ang presensiya ng dalawang lalaki sa community pantry na nag-usisa kung saan siya nag-aaral, anong grupo ang kinaaaniban, at kung may group chat ang mga organizer ng mga community pantry.
Nang tanungin ni Arellano kung sino ang mga lalaki, nagpakilala silang mga ‘vlogger’ ngunit wala namang dalang video camera at umiwas palayo sa kanya.
Habang isinusulat ang balitang ito’y deactivated ang Facebook account ni Arellano matapos umani ng batikos ang ginawang pandarahas sa kanya ng mga pulis-Maynila.
Kaugnay nito, pinuri ni Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng Caritas Philippines, ang pagtatayo ng mga community pantry dahil patunay ito na ang komunidad ang unang tutugon sa kagutuman at kakulangan sa pagkain.
Ang mga nasa likod aniya ng inisyatiba ang nagpalabas ng likas na pagiging matulungin, mabait at mapagmalasakit ng bawat tao kahit laganap ang kahirapan.
“Sana po hindi tayo magsawang tumulong sa kapwa natin, lalo kung may extra tayo. Lawakan po ang pag-intindi, buksan ang puso at isipan dahil iba-iba ang struggle ng mga tao. Buksan ang isipan natin sa kalagayan ng kapwa at ng bansa natin,” sabi ni Anna Patricia Non, ang unang promotor ng community pantry sa Maginhawa St., Teachers Village, Quezon City sa panayam ng CNN Philippines kahapon.