MULING nagpakita ng ‘pagkahapo’ si Pangulong Rodrigo Duterte bilang pinuno ng bansa sa panahon ng CoVid-19 pandemic.
Inamin ng Pangulo na walang sapat na supply ng bakuna sa buong mundo kaya magtatagal pa ang nararanasang pandemya at marami ang magbubuwis ng buhay.
“Now, ngayon hintay tayo nang hintay. Itong vaccine na itong pinag-usapan natin ganito, wala sana ito kung mayroong vaccine available. E wala. Hanggang ngayon the word “unavailable” is nandiyan. Unavailable because there are not — there’s no sufficient supply to inoculate the world. Matagal pa ito. Sabihin ko sa iyo marami pang mamamatay dito. Hindi ko lang maturo kung sino,” aniya sa Talk to the People kagabi.
Iginiit niya na ang buhay ay tsambahan lang at hindi maililigtas ng tao ang sarili sa pamamagitan ng pagmumura sa kanya bilang Pangulo ng Filipinas.
“Kasi itong buhay naman patsambahan lang e. It’s either ngayon ka, bukas ako; ngayon ako, bukas ka. Ganoon lang ang laro riyan. No amount of curses, no amount of epithets ‘yong pang ano mo, mga pagmumura mo will save you. Whether you like it or not, the day will come when you shall have died,” dagdag niya.
Inulit niya ang bantang ite-takeover ng gobyerno ang operasyon ng mga hotel at motel kapag lumala ang sitwasyon pero wala naman siya binanggit kaugnay sa kakulangan sa health workers na sasagupa sa CoVid-19 at paano tutuldukan ang kanilang kalbaryo gaya nang pagkakait sa kanilang benepisyo ng Department of Health (DOH).
Hindi naitago ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes ang kanyang pagkadesmaya sa mahigit isang oras na Talk to the People kagabi.
Ginamit aniya ang okasyon upang magbida ang ilang miyembro ng gabinete, nagbolahan lamang sa harap ng publiko pero walang binanggit na solusyon sa krisis sa CoVid-19.
“Itong Cabinet meeting, okasyon para magpabida ang mga sec (kalihim ng gabinete) na may ginagawa sila. Bolahan lang. Pero ‘yung totoong malalang problema, hindi binabanggit at wala rin solusyon. Ang inaantay namin, pandemic response. Si Tugade nagbibida sa naitayong airport. Jusko, may maibida lang. Kaya walang kuwenta ang mga Cabinet meeting na ganito e. Puro pabida lang. Walang nalulutas na problema sa pandemya,” sabi ni Reyes sa kanyang Facebook post.”
“Hoy Tugade, ‘yung jeepney drivers namamamlimos pa rin sa kalsada, anong ginagawa mo para tulungan sila? Puro ka riyan airport. ‘Yung nagdurusa sa pandemya ‘di mo tulungan.”
(ROSE NOVENARIO)