ni ROSE NOVENARIO
MANHID si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Department of Health (DOH) sa miserableng sitwasyon ng medical frontliners na pangunahing lumalaban sa CoVid-19 pandemic.
Kahapon tila ginigising ng health workers si Pangulong Duterte at ang DOH nang kalampagin ang mga kaldero at hinipan ang mga torotot, saka sabay-sabay na nagdaos ng noise barrage bilang protesta ng mga manggagawang pangkalusugan mula sa iba’t ibang public hospitals na kasapi ng Alliance of Health Workers (AHW) upang ipanawagan ang kagyat na pagbibigay ng kanilang mga inipit na benepisyo ganoon din ang mass hiring ng health workers na kakalinga sa CoVid-19 patients.
Hinimok nila ang DOH na maging transparent sa paglalabas ng tunay na datos ng mga namatay at dinapuan ng CoVid-19 sa hanay ng health workers.
Batay sa ABS-CBN news data, umabot sa 16,510 health workers ang nagpositibo sa CoVid-19 habang 628 ang pumanaw ngunit ayon sa DOH Malasakit Program Office ay 141 lamang ang namatay habang sa DOH CoVid tracker ay 86.
Ayon sa AHW, ang naturang datos ay sumasalamin sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga pagamutan at health workers, gaya sa San Lazaro Hospital na nagsisiksikan ang CoVid-19 patients, walang mechanical ventilators para sa mga darating na mga pasyenteng positibo sa virus.
Anang grupo, habang patuloy silang nalalaspag sa trabaho, humihina ang kanilang immune system kaya’t mabilis silang dinadapuan ng CoVid-19.
Ang masaklap, anang AHW, kapag nagpositibo sila sa virus at kailangan ma-confine sa pagamutan na kanilang pinaglilingkuran, hindi sila prayoridad at gaya ng ordinaryong pasyente, kailangang pumila at manatili sa tent sa labas ng ospital hanggang magkaroon ng bakante.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito’y wala pa rin tugon ang Malacañang sa liham ng AHW kay Pangulong Duterte na humihiling ng dialogo upang ipabatid sa Punong Ehekutibo ang tunay na kalagayan ng medical frontliners.
Sa kanilang sulat sa Pangulo, hiniling nila ang dialogo sa Punong Ehekutibo ngayon upang mailahad ang kanilang mga hinaing sa layuning matuldukan ang kanilang kalbaryo na pinatindi ng hindi pagbibigay ng DOH ng kanilang mga benepisyo sa ilalim ng pandemya at ang kanilang Performance Based Bonus (PBB) mula 2018 hanggang 2020 ay hindi pa rin nila natatanggap.