NAGBABALA ang isang dating kalihim ng Department of Health (DOH) na magkakaroon ng mass graves ng mga namatay sa CoVId-19 sa Hunyo o Hulyo kapag nagpatuloy na ‘walang timon’ sa pagtugon ng pandemya sa bansa.
“I hope it does not come to that, but you know I already have a vision of mass graves in the country. Because we are not able to take care of all of our patients,” ani dating Health Secretary Esperanza Cabral sa panayam sa Frontline News ng Radyo Singko.
Posible aniyang magkaroon muli ng paglobo ng kaso ng CoVid-19 sa Hunyo o Hulyo at baka hindi na kayanin ito ng health care system ng bansa kung magpapatuloy ang ‘kawalan ng timon’ para matugunan ang pandemya.
“Look at the case fatality rate. We have been so proud that the case fatality rate is lower than the global rate but now it’s coming up,” giit ni Cabral.
Batay sa ulat ng OCTA Research, sa kasalukuyan ay naging triple o 5.36% ang case fatality rate sa Metro Manila mula noong Marso na 1.82% sa Metro Manila.
“While the more recent CFR is based on a much smaller sample size of 284 deaths, and the CFR may still decrease as more data comes in, the possibility of an increase in CFR should not be ignored,” anang grupo.
Ayon sa DOH, sa Metro Manila naitala ang pinakamaraming namatay sa CoVid-19 sa nakalipas na dalawang linggo kompara sa ibang rehiyon sa Filipinas.
Hanggang noong 13 Abril ay naitala ang namatay sa Metro Manila na 311, sa Central Luzon ay 162, at sa Region 4-A ay 142.
Pinakamaraming pumanaw sa Maynila ay 73, pumangalawa ang Quezon City na 66 at ang Pasig ay 41.
Tinukoy na sanhi nito ang naghihingalong health care system gayondin sa mga mas mapanganib na CoVid-19 variant.
Anang OCTA Research, mayorya sa mga nasawi ay senior citizens kaya’t ang naturang sector ang dapat gawing prayoridad sa atensiyong medikal at mabakunahan ng CoVid-19 vaccine.
Umabot sa 15,286 ang mga nasawi sa CoVid-19 sa bansa hanggang kahapon.
(ROSE NOVENARIO)