ni ROSE NOVENARIO
NASUNGKIT ng asawa ni actor-painter Ian Veneracion na si Pamela Rose G. Veneracion ang kontrobersiyal na P389-milyong Manila Bay white sand project.
Nabatid, ang kontrata ay may Contract ID Number 19200039, batay sa dokumentong Notice of Award (NOA) na may petsang 17 Disyembre 2019 na ipinadala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kay Pamela, nagsasaad na nakopo niya bilang single bidder ang P389,797,364.13 halaga ng Proposed Manila Bay Rehabilitation Program (Beach Nourishment, Coastal Restoration and Enhancement of Manila Baywalk Area).
Nakasaad sa NOA na si Pamela ay authorized managing officer ng MAC Builders/ Dragonhart Construction Enterprise, Inc., (JV), may address na 17 Lear St., Filinvest, Cainta Rizal; at 103 12th Avenue, Cubao, Quezon City.
Ang kontrata ay inirekomenda ng Bids and Awards Committee (BAC) Resolution No. 2019-29 na nilagdaan nina Ador Canlas, NCR- Regional Director, at Ernesto Gregorio, Jr., Director sa Bureau of Maintenance, at inaprobahan ni Undersecretary for UPMO Operations and Technical Services Emil K. Sadain, umano’y ‘delegated’ ni DPWH Secretary Mark Villar.
“Results showed that MAC Builders / Dragonhart Construction Enterprise Inc. (JV) satisfied the legal, technical, financial requirements of the project, hence, the BAC agreed to recommend that the contract for Contract ID No. 19200039, Proposed Manila Bay Rehabilitation Program (Beach Nourishment, Coastal Restoration and Enhancement of Manila Baywalk Area),” ayon sa BAC Board Resolution.
Batay sa mycompanypage.online, ang tanggapan ng Dragonhart Construction Enterprise Inc, ay matatagpuan sa 103 12th Avenue Cubao, Quezon City, Philippines.
Isa itong general engineering contractor at ang contact person ay si Pamela Rose Gallardo Veneracion.
Habang base sa macbuilders.com.ph, ang mga opisyal ng MAC Builders ay sina Manuel A. Chua, Theresa T. Chua, Francis Lloyd T. Chua, Alberto A. Chua, Elmer D. Bote, Michael John T. Chua, at Dominic Van T. Chua.
Muling umani ng batikos ang patuloy na pagtatambak ng dinurog na dolomite sa bahagi ng Manila Bay sa gitna ng public health crisis na nararanasan ng bansa dulot ng CoVid-19 pandemic.
Para sa grupong Pamalakaya, ang kailangan ng publiko ay second dose ng bakuna at hindi second dose ng dolomite.
Sinabi ng grupo, ang pagtatambak ng dolomite ay labas sa utos ng Korte Suprema na rehabilitasyon ng Manila Bay.
“Dapat i-rehabilitate ang Manila Bay, i-rehab, ibalik sa dating pangisdaan at ligtas na languyan. Wala pong sinabi ang Supreme Court na tambakan ng dolomite,” wika ni Pamalakaya Chairman Fernando Hicap.
Nabatid, mas malaki pa ang inilaan ng administrasyong Duterte para sa dolomite beach project na P389 milyon kompara sa research ng Department of Science and Technology (DOST) para sa CoVid-19 vaccine na P284 milyon.