PUMALAG ang apat na senador mula oposisyon laban sa pag-aakusa ng top spook sa unyon ng mga kawani at manggagawa sa Senado bilang prente umano ng mga rebeldeng komunista.
Mariing kinondena kahapon nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, at senators Risa Hontiveros, Leila de Lima at Francis Pangilinan ang red-tagging sa Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO) ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) director General Alex Paul Monteagudo.
Sinabi ni Monteagudo sa Facebook post na nagsisilbing “eyes and ears” ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) para i-hijack ang mga plano at programa ng gobyerno.
“Hindi lang ito pag-atake at paninira nang walang batayan sa mga empleyado, kundi mismong sa institusyon ng Senado na kanilang kinakatawan,” ani Drilon.
Binigyan diin ng apat na senador na hindi dapat balewalain ang mga malisyosong pag-atake sa mga empleyado ng Senado at nanawagan silang muli na ideklarang krimen ang red-tagging.
“We believe that the passage of this bill will serve as a deterrent against red-tagging. We should punish irresponsible officials who act as enablers of red-tagging,” anila.
Giit ng minority bloc, ang SENADO ay isang lehitimong unyon na nagsusulong ng interes at kapakanan ng mga empleyado ng Senado at hindi ng ibang grupo.
Sa pamamagitan ng SENADO ay naidaraos ang kolektibong negosasyon ng mga empleyado sa liderato ng Mataas na Kapulungan.
Si Drilon ang naghain ng panukalang batas na may layuning ideklarang krimen ang red-tagging.
Batay sa 2012 study ng International Peace Observers Network (IPON) Philippines, isang non-profit human rights organization na nakabase sa Hamburg, Germany, maaaring humantong sa warrantless arrests, torture, enforced disappearances, o extrajudicial killings ang red-tagging.
(ROSE NOVENARIO)