NABALITA ang pagtataguyod ni Anakalusugan Party List Rep. Mike Defensor sa gamot na Ivermectin. Ang Ivermectin ay isang broad spectrum anti-parasitic agent, na ginagamit sa paggamot ng onchocerciasis o river blindness na sanhi ng bulate na kadalasan ay nakukuha sa lupa. Mabisa rin ito sa scabies o kudal sa balat.
Ayon sa Merck, ang gumagawa ng Ivermectin: “There is no scientific basis for a potential therapeutic effect against CoVid-19 from pre-clinical studies; no meaningful evidence for clinical activity or clinical efficacy in patients with CoVid-19 disease; and a concerning lack of safety data in the majority of studies.”
Dagdag nila: “We do not believe that the data available support the safety and efficacy of Ivermectin beyond the doses and populations indicated in the regulatory agency-approved prescribing information.”
Sinasabi ng Merck na wala silang datos na magpapatunay na mabisa ang Ivermectin kontra CoVid-19.
Ibinalita ni Defensor na ipamimigay ng kanyang tanggapan ang Ivermectin sa mga residente sa Quezon City. Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ang Ivermectin ay aprobado lamang sa paggamot ng mga hayop.
Ani Domingo: “We issued the advisory because there is no registered human oral preparation of Ivermectin with the FDA.”
Napatadyak ako nang malakas sa sahig dahil bukod sa hindi bakuna ang Ivermectin, ito ay gamot sa hayop. Samakatuwid, ang Ivermectin ay hindi gamot para sa tao; ito’y sa hayop na may bulate. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ng dating Spice Boy. Sa pagkakaalam ko, tao ang nangangailangan ng bakuna laban sa CoVid-19.
‘Ika nga ng isang kaibigan: “Mass vaccination ang kailangan hindi mass deworming! Animal ka ba Defensor?”
Dagdag ko: Marahil may tumataginting na nasa likod ng rekomendasyon na dala ni Mr. Defensor. Pero pakiusap: Huwag mo naman babuyin ang Filipino.
***
Patindi nang patindi ang nangyayaring komprontasyon sa pagitan ng Filipinas at China sa West Philippine Sea. Kamakailan, pumasok ang isang rekwang barko ng Intsik at dumaong sa bahura ng Julian Felipe na maliwanag na nasa loob ng teritoryo ng Filipinas.
Noong una, nagdahilan ang mga Tsekwa na napilitan silang dumaong dahil sa sama ng panahon. Halos tatlong buwan na ang nakalipas.
Ngayon, nagbagong bigla ang tono ng mga singkit at sinabing ang lugar na iyon ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Nansha Island Chain. Nang magsalita ang kalihim ng DND Delfin Lorenzana, sinermonan siya ng embahador ng Tsina at sinabihan na walang kuwenta ang salita niya.
Dahil dito ay parang napuno na si kalihim ng Tanggulang Pambansa Delfin Lorenzana at sinabihan ang mga Tsino na lumayas sila. Sinegunduhan ito ni Teodoro Locsin, Jr., kalihim ng Ugnayang Panlabas, at nagbabala na araw-araw magsasampa sila ng reklamo laban sa Tsina.
Maraming kababayan ang nagbunyi sa pagkakaroon ng tapang ni Locsin at Lorenzana. Sa wakas napuna nila ang ginagawang pananakop ng mga Tsino mula noong magsabi si Mr. Duterte na mabuti pa umalis na sila roon.
Pero sa Ingles may kasabihan na “actions speak louder than words” kaya tutugunan ko rin ito sa Ingles: “I will not hold my breath.”
***
Itong kasagsagan ng curfew, lumabas si Darren Peñaredondo para bumili ng isang boteng mineral water. Sinita siya ng mga tanod sa lugar nila at dinala sa Plaza Malabon sa harap ng munisipyo ng General Trias at sa utos ng mga pulis, kasama ang iba pang nahuli, ipinagawa sa kanila ang 100 squat jumps.
Mahigpit ang mga pulis na nagsagawa ng parusa at pinaulit ang bilang kapag hindi nila ito magawa nang sabay-sabay. Samakatuwid ang dapat na 100 squat jumps ay naging 300.
Alas-otso na ng umaga nang makauwi si Peñaredondo. Nakaramdam ng pananakit ng katawan pero binalewala niya ito. Buong araw na hinang-hina siya at halos gumapang na lang dahil hindi makatayo. Bandang hapon nagkombulsiyon at, hindi kalaunan, binawian ng buhay.
Batay sa awtopsiya nagkaroon ng stroke ang biktima.
Itinanggi ng hepe ng General Trias PNP ang paratang na pinahirapan nila si Peñaredondo, at ang ginagawa lang nila ay sinesermonan ang curfew violators at pinauuwi.
Magkakaroon ng imbestigasyon tungkol sa pakamatay ni Darren kaya nananawagan po tayo kay deputy chief for administration ng PNP General Eleazar at ang bumubuo ng IMEG . Bigyan po ninyo ng katarungan ang mga naiwan ni Darren. Huwag ninyong hayaan maging numero lang siya. Panagutin ang mga may kagagawan nito.
***
MGA PILING SALITA: “Inangkin na ng Tsina ang Julian Felipe Reef, sinermonan pa ang defense chief mo. Tahimik ka pa rin, ano na, Mr.. President?”
– Senador Leila de Lima
“Maliwanag ang pahiwatig natin sa buong mundo: Ang Filipinas ay sa Filipinas, at kaya nating pumalag at ipagtanggol ang sarili tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating bakuran.”
– dating Pangulo Benigno Aquino III
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman